Tahasang inihayag kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa, na sa oras na maupo siya bilang bagong pinuno ng Bureau of Corrections (BuCor) ay target niyang ibalik ang mga drug lord sa selda ng Building 14 na mayroong maximum security compound, sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Nais ng PNP chief na mahigpit na mabanyatan ng mga tauhan ng Special Action Force (SAF) ang mga drug lord sa Building 14, kasunod ng natanggap niyang ulat na nasa medium security compound ng NBP ang mga high-profile inmates, na gaya nina Peter Co at Sam Lee Chua, na hindi kontrolado ng SAF.
Kinumpirma ni Dela Rosa na talamak umano ang transaksiyon ng ilegal na droga sa medium security compound kaya nais niyang ikulong ang lahat ng drug lord sa Building 14 upang mahinto ang nasabing aktibidad.
Ayon pa kay dela Rosa, nabigo umano ang mga drug lord na “suhulan” ang mga SAF member kaya tinarget ng mga itong makalipat sa ibang compound ng NBP, na hindi naman kontrolado ng elite forces.
Tiwala si dela Rosa na kapag nalipat muli sa Building 14 ang mga drug lord ay matitigil na ang drug trading gayundin ang pagpasok ng ilang kontrabando sa NBP, tulad ng cell phone na ginagamit sa ilegal na transaksiyon.
Hindi na rin, aniya, kakailanganin ang jammer kung mapigilan ang paggamit ng cell phone sa loob ng kulungan at marami pa, aniya, ang problema na dapat resolbahin.
Noong Hulyo, ipinag-utos ni Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre II na ilipat muli sa Building 14 ang siyam na high-profile inmate na sina Rico Caja, Joel Capones, Jojo Baligad, Benjamin Marcelo, Sam Lee Chua, Hans Anton Tan, Che Kit Chua, Peter Co, at Vicente Sy—na ang ilan ay sinasabing sangkot sa illegal drug trading sa NBP.
Matatandaan na pinalitan ng SAF troopers ang mga prison guard sa maximum security compound, na pinaniniwalang kasabwat umano ng mga bilanggo sa pagpupuslit ng mga kontrabando sa NBP. - Bella Gamotea