ni Ric Valmonte
HUMARAP ang apat na Associate Justice ng Korte Suprema sa House Committee on Justice na dumidinig sa impeachment case ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Sila ay sina Associate Justices Teresita De Castro, Noel Tijam, Francis Jardeleza at Arturo Brion. Maliban kay AJ Brion na retirado na, ang tatlo ay kasalukuyang nakaupong mahistrado ng Korte.
Parang hindi sila kasapi ng Kataas-taasang Hukuman ng bansa. Sila mismo ang hindi gumalang sa kanilang posisyon. Hindi lang nila minaliit ang kanilang mga sarili kundi maging ang kanilang pagiging miyembro ng pinakamataas na Korte sa bansa, na huling tinutunguhan ng taumbayan na naghahanap at humihingi ng katarungan. Inihanay nila ang kanilang mga sarili sa mga taong masasamid ka kapag tinawag mo silang “Your Honor.” Kahiya-hiya!
Paano naman kasi, noong una, ang mga mambabatas sa pamumuno ni Chairman Reynaldo Umali ng House justice committee, ang nagpupuno sa pagkukulang ni Atty. Gadon, na siyang complainant laban sa Chief Justice. Noon pa man ay dapat ibinasura na ng komite ang impeachment case dahil walang ebidensiyang maiprisinta si Atty. Gadon para patunayan ang kanyang mga alegasyon sa isinampa niyang impeachment complaint. Kung mayroon man, hindi ito umaangat sa kategorya ng tsismis.
Ipinagpatuloy pa rin ng komite ang pagdinig at tinulungan ng mga mambabatas si Gadon sa pangangalap ng ebidensiya sa pamamagitan ng paggamit nila sa kanilang kapangyarihang mag-imbita at mag-sub poena. Pinagbantaan pa nga nila ng contempt ang sinumang susuway sa kanilang kautusan. Pati si CJ Sereno mismo, na sa akala nila ay kanilang matatakot, ay pinagbantaang ipaaaresto kapag hindi ito sumipot. Gusto pa nilang makakuha ng ebidensiya laban sa kanya.
Nasabi kong minaliit at hindi man lang iginalang ng apat na mahistrado ang kanilang sarili at posisyon dahil sa hindi magandang epekto ng kanilang pagharap bilang resource person—pinagandang taguri sa testigo—sa komite ng Kongreso.
Una, tanggapin man nila o hindi, ay tumestigo sila para kay Atty. Gadon, na bagamat abogado ay hindi kayang gampanan ang papel niya bilang nagrereklamo. Gaya ng mga mambabatas, tinulungan nila si Gadon sa kaso nito laban kay CJ.
Ikalawa, nasa hudikatura sila, na sa Saligang Batas, ay hiwalay, patas at malaya sa lehislatura. Hindi maganda na magsumbong ka—na siya namang naganap nang isiniwalat nila ang umano ay pagkakamali ni CJ—sa mga kongresista na miyembro ng lehislatura.
Hindi sangkot dito ang prinsipyo ng check and balance dahil hindi naman isyu dito ‘yung paglabag ni CJ sa kanyang tungkulin na nakaapekto sa tungkulin ng Korte na maggawad ng katarungan at ipagtanggol ang Saligang Batas at karapatan ng mamamayan. Ang pagkakamaling isinumbong ng apat na mahistrado sa mga kongresista ay hindi naman nakasira sa Korte bilang “the last bulwark of democracy.”
Ang apat na mahistrado ang nakasira nito dahil pinahina nila ang Korte. Kumagat sila sa pain ng mga taong ito na ang layunin ay ma-impeach si CJ Sereno.