Ni REGGEE BONOAN

Coco Martin
Coco Martin
NAKAKATAKOT sigurong maging direktor si Coco Martin dahil may pagkasadista dahil kung ano 'yung mahihirap na eksena ay 'yun ang gustung-gustong gawin. 

Ito ang narinig naming reaksiyon ng mga nakapanood ng Ang Panday sa celebrity screening sa Trinoma Cinema 4 nitong nakaraang Linggo.

Tawa naman nang tawa si Direk Coco nang tanungin namin kang bakit gustung-gusto niya ng mahihirap na eksena.

Vic Sotto, nasaktan sa ginawa ng TAPE sa Eat Bulaga

“Sabi nga po ng co-actors ko, may pagkasadista ako kasi kung ano ‘yung mahirap ‘yun ang gusto ko,” natatawang sagot sa amin.

Maging si Senator Lito Lapid ay sinabihan din ang aktor ng, “Bakit ba ang hilig-hilig mong pahirapan ang sarili mo, ginagawa mong kumplikado.”

Ang tinutukoy ni Senator Lito ay ang eksenang sinasanay niya si Coco sa pakikipaglaban gamit ang espada ng Panday.

“Gusto ko po kasi sana sa Batanes kunan ‘yung nag-eensayo ako kasi maganda ‘yung puro bundok at tubig ang makikita, kaso kinapos na sa oras kasi sumi-segue ako sa Probinsyano kaya sa Taal. Sabi ko, ayaw kong maramdaman ng manonood na parang sa Tagaytay lang,” 

Sa Tanay, Rizal naman kinunan ‘yung nag-dive si Coco sa waterfalls.

Isa pang tiyak na magugustuhan ng mga bagets ay ang eksenang makukulay na mala-Lord of the Rings ang dating.

“Oo, nagpa-set up po talaga kami ng Hobbit House para sa mga duwende.  Magaling talaga ‘yung production design ko. ‘Yun naman po ang key, kailangang magagaling ang mga tao sa paligid ko, magaling ‘yung DOP (director of photography) ko at production designer ko, assistant director, EP ko lahat na-guide nila ako,” nakangiting kuwento ng aktor/direktor/producer.

Hindi naman daw masyadong nahirapan ang aktor na magdirek ng sarili niyang pelikula.

“Sana na ako kasi lahat kami, direktor ko, nagtutulungan na kami at from the very start ako ang creative ng Probinsyano.  Siguro ‘yung idea na nanggaling ako sa indie, nag-mainstream ako, na-incorporate ko lahat, kung baga, nagkaroon lang ako ng chance na ipakita lahat this time.”

Pero hindi itinanggi ni Coco na kabado siya habang pinapanood niya ang special preview ang Ang Panday.

“Ninenerbiyos po, kasi hindi ko alam kung magugustuhan ng viewers at co-actors ko, pero nu’ng naramdaman kong tuwang-tuwa sina Lito Lapid at Jake (Cuenca) medyo nakakampate na ako kasi mahirap i-please ang lalaki lalung-lalo na almost everyday nasa Probinsyano ako, paano ko pa malalampasan ‘yun.

“Sabi ko nga, para mapabilib sina Senator Lito Lapid at Jake sa mga eksena namin, masaya ako ro’n, eh, ninenerbyos ako,” tumatawang sabi ng binata.

Nakatulong ba si Senator Lito sa pagdidirek?

“May mga fight scenes ako na humingi ako ng tulong sa kanya kasi sa Probinsyano ngayon siya ang fight director ko.”

Hindi raw inisip ni Coco ang kung magkano ang aabutin ng pelikula dahil mas nag-focus siya na mapaganda ito nang husto.

Pero aminado siyang mahirap palang maging producer.

“Mas nahirapan po ako bilang producer kasi ang dami mong considerations tulad halimbawa umulan ‘tapos ang laking eksena, kokompyutin mo lahat ‘yun. ‘Pag direktor at artista ka lang naghihintay ka lang ng gagawin o mangyayari, wala kang iniisip na gastos.”

Hindi ba’t kahati naman ang Star Cinema sa gastos ng Ang Panday?

“Eh, ako muna lahat (gumastos), sabi ko saka na kami mag-usap-usap kapag natapos ko na ‘yung pelikula, ako na muna para ‘yung buong vision ko sa pelikula, ako.  Mahirap kasi kapag may iba kang kausap kasi marami ka ng considerations,” paliwanag ng may-ari ng CMC Productions.

Ano ang mas gusto niya, awards o box-office?

“Puwedeng both?” natawang sagot ni Coco. “Hindi naman ako nag-i-expect, basta magustuhan lang ng mga tao masaya na ako ro’n at ma-appreciate nila.

Binago ni Coco si Panday, ginawang millennial kaya nagmomotor at nagbibisikleta rin habang naglalako ng mga paninda niya.

Ang hindi lang inalis ng aktor sa Ang Panday ay ang trademark ni Fernando Poe, Jr. na kailangan sa disyerto sila maglalaban ni Lizardo.

“Bilang tribute kay FPJ, ang sabi ko ang final battle namin ni Lizardo ay sa disyerto,” nakangiting sabi ng aktor.

Mahigit dalawang oras ang pelikula pero kahit gustung-gusto na naming pumunta ng banyo ay hindi namin nagawa dahil baka may malampasan kaming eksena. Bumilib kami kay Coco dahil parang hindi niya first time magdirek sa gilas at ganda ng unang pelikula niya.

Nabanggit ding ginawa ang effects sa Vietnam.

“Opo, kasi sabi ko nga napakataas ng expectation ng tao sa Panday lalung-lalo na pagdating sa effects, ayaw kong tipirin kaya ‘yung iba ginawa rito sa Pilipinas, ‘yung dulo pinadala pa namin sa Vietnam para ron gawin,” kuwento ng binata.

 Umabot sa 37 shooting days o sa loob ng five months ang shooting ng Ang Panday na mapapanood na sa Disyembre 25, magkano ang hula mo, Bossing DMB sa nagastos ng CMC Productions? 

(Palagay ko, P75-100M. --DMB)