ni Clemen Bautista
ANG magkakalayong bayan at barangay sa mga lalawigan na may ilog sa pagitan ay pinag-uugnay ng mga tulay. Malaking tulong ang mga tulay sa ating mga kababayan sapagkat nararating ang mga kalapit-bayan at barangay. Sa mga motorista at may mga sasakyan, mabilis ang biyahe at ang paglalakbay. Maging sa emergency cases at naaksidente, mabilis na naihahatid sa ospital ang mga maysakit at biktima ng aksidente.
Sa lalawigan ng Rizal, partikular sa unang distrito, may pitong tulay na naayos, pinaluwag at ginawa sa magkatulong na proyektong inilunsad ng DPWH (Department of Public Works and Highways) at ng Rizal Engineering District 1, sa pangunguna ni District Engineer Roger Crespo. Malaking tulong ito sa mga motorista at mga sasakyan. Mabilis ang biyahe at nakararating nang maaga sa pupuntahan. Ang nasabing mga tulay ay dalawa sa Angono, dalawa sa Taytay, at tatlo sa Binangonan. Idagdag pa ang road widening na nakatulong din sa paglutas sa pagsisikip ng trapiko.
Ngayong matatapos ang 2017, isang bagong tulay ang pinasinayaan at binuksan sa mga sasakyan at mga motorista nitong Disyembre 15, 2017. Ang bagong tulay ay ang Barkadahan Bridge II, na katabi ng Barkadahan Bridge I na malapit sa Laguna Lake Highway (dating C-6 Road) sa Taytay. Ang dalawang tulay ay parehong may dalawang lane.
Ang Barkadahan Bridge II ay ipinagawa ng DPWH-NCR (National Capital Region). Sinimulan noong Enero 14, 2014 at natapos noong Disyembre 5, 2017.
Ang Barkadahan Bridge I naman ay ipinagawa nina dating Rizal Gob. Casimiro “Ito” Ynares, Jr., at Riza Congressman Bibit Duavit noong 1994. Layunin ng paggawa ng Barkadahan Bridge II na malutas ang traffic sa Barkadahan Bridge I.
Ang Barkadahan Bridge II ay ang daraanan ng mga motorista at sasakyan na patungong silangang bahagi, sa direksiyon ng Taytay. Ang Barkadahan Bridge I naman ang daraanan ng mga motorista at sasakyan patungo sa kanlurang bahagi, sa direksiyon ng Taguig City.
Ang travel time mula sa Barkadahan Bridge patungong SLEX na dati’y isang oras ay magiging 30 minuto na lamang. Makatutulong ito laban sa pagsisikip ng trapiko sa EDSA at C-5 Road, at alternatibong daan ng mga motorista na patungo sa eastern Rizal, Marikina, Quezon City at sa kanlurang bahagi ng Metro Manila (SLEX, NAIA at SM Mall of Asia). Magpapasigla ito sa ekonomiya at social development sa silangang bahagi ng Metro Manila at Rizal.
Sa inaugural ceremony ng Barkadahan Bridge II ay dumalo at naging mga panauhin sina Rizal Gov. Nini Ynares, Taytay Mayor Joric Gacula, Antipolo City Mayor Jun Ynares, District Engineer Roger Crespo ng Rizal Engineering I; Congressman Michael John R. Duavit, dating Rizal Gov. Ito Ynares, Jr., dating DPWH Region IV-A Director Salvador Pleyto, at mga taga-DPWH-NCR.
Tampok na panauhing tagapagsalita si DPWH Secretary Mark A. Villar. Sa bahagi ng kanyang mensahe, sinabi niya na ang pagkakagawa sa Barkadahan Bridge II ay bahagi ng programang “Build, Build Build” ng Pangulong Duterte, sa layuning malutas ang traffic.
Nagpaabot naman ng kanyang pasasalamat si Rizal Gov. Nini Ynares kay DPWH Secretary Mark Villar, sa DPWH-NCR at kay Pangulong Duterte sa pagkakagawa ng Barkdahan Bridge II.
Ayon naman kay Antipolo City Mayor Jun Ynares, natutuwa siya na kahit hindi na siya gobernador ay nakita niyang naisakatuparan ang kanyang pangarap na Barkadahan Bridge. Bilang mayor ng Antipolo, natutuwa rin siya na bagamat hindi sakop ng Antipolo ang Barkadahan Bridge, ang kanyang mga kababayan sa Antipolo ay dumaraan sa nasabing tulay, kaya lumuluwag ang ibang kalsada. Pinasalamatan niya ang DPWH at ang “Build, Build, Build” program ni Pangulong Duterte
Sa pahayag naman ni Taytay Mayor Joric Gacula, nagpasalamat siya sa pagkakagawa ng Barkadahan Bridge II sapagkat napakalaking tulong nito upang malutas ang trapiko sa Taytay. Natutuwa siya at ang kanyang mga kababayan sa sinabi ng Pangulong Duterte na sosolusyunan ang traffic sa buong bansa.