Ni PNA
INIULAT ng Department of Health sa Kanlurang Visayas na bumaba ng 64 na porsiyento ang bilang ng kaso ng dengue sa rehiyon.
Inihayag ni Reynilyn Reyes, pangulo ng family, health and nutrition cluster ng Department of Health-Region 6 na mula Enero 1 hanggang Nobyembre 26 ngayong taon ay may kabuuang 9,279 na kaso ng dengue na naitala sa rehiyon at hindi pa aabot sa 70 ang nasawi.
Aniya, ang bilang ay 64 na porsiyentong mas mababa o 16,182 na mas kakaunti kumpara sa 25,461 pasyente ng dengue na naitala sa parehong panahon noong 2016.
Ngayong taon, ang Negros Occidental ang may pinakamaraming na-dengue sa Western Visayas na mayroong 3,829 na kaso, habang ang Guimaras ang may pinakakaunti, sa 37 lamang.
Sinabi ni Reyes na batay sa kanilang obserbasyon, dumadami ang kaso ng dengue sa rehiyon kada tatlong taon.
Aniya, nakapagtala ng maraming kaso ng dengue noong 2010, 2013, at 2016.
“Since the cases have decreased this year, we are predicting a decrease in dengue cases in 2018,” dagdag pa niya.
Gayunman, istriktong susubaybayan ng health authorities ang bilang ng mga kaso ng dengue sa 2019 dahil tuwina ay tumataas ang bilang ng mga kaso ng sakit kada tatlong taon.
Kahit na, aniya, bumaba ang bilang, hindi pa rin ito katanggap-tanggap.
Patuloy na pinatatatag ng Department of Health ang ugnayan nito sa local health units at mga lokal na pamahalaan sa rehiyon upang patuloy na mapababa ang bilang ng mga kaso ng dengue.
Hinihikayat din ang mga residente na ipagpatuloy ang 4S strategy ng Department of Health, na kumakatawan sa “search and destroy breeding areas, self-protective measures, seek early consultation, and say no to indiscriminate fogging” upang maiwasan ang mga sakit na nakukuha mula sa lamok.