Ni Clemen Bautista

MATAPOS ang joint session ng Kamara at ng Senado nitong Disyembre 13, 2017 at makalipas ang may apat na oras na deliberasyon o talakayan, napagtibay ang kahilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte na extension o pagpapalawaig sa martial law sa Mindanao. Isang taon ang extension ng martial law, mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2018.

Pangunahing layunin sa pagpapalawig ng batas militar ang tuluy-tuloy na sugpuin ang rebelyon sa Mindanao at masimulan ang rehabilitasyon ng Marawi City matapos ang may limang buwang digmaan. Ang Marawi ay nilusob ng Maute Group at ng dayuhang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) noong Mayo 23, 2017. Ang paglusob ang naging dahilan ng pagdedeklara ng martial law sa Mindanao. Nadurog ang Marawi City, marami ang napatay, at napinsala ang pamumuhay at kabuhayan ng mamamayan bunga ng digmaan.

Sa botohan sa joint session, may 240 mambabatas ang bumoto ng sang-ayon o pabor sa martial law extension. May 27 naman ang tutol. Sa Kamara ay 226 ang pabor at 27 naman ang kontra. At sa botohan sa Senado, 14 na senador ang pabor at apat ang hindi sang-ayon sa pagpapalawig sa martial law.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

May mga dahilan ang pagtutol sa martial law extension. Kabilang sa mga kontra ang ilang senador at kongresista ng Liberal Party at ang pitong kasapi ng Makabayan bloc sa Kamara (Magnificent 7, sa pangunguna ni Albay Rep. Edcel Lagman). Ang panibagong extension ay “unconstitutional” o labag sa Konstitusyon, giit nila.

Iginiit ni Liberal Party President Francis Pangilinan na ang pagpapatibay sa panibagong martial law extension ay labag sa Konstitusyon. Walang malinaw na basehan sa batas. Sa pagtutol, binigyang-diin naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ang pagpapalawig ng isang buong taon sa martial law “does not find basis under the constitution. There is no state of rebellion. These are only treat at this point. Actual conflict is basic foundation for the continued imposition of martial law.”

Sa talakayan at bago ginawa ang botohan sa Kamara at Senado, ang kinatawan ng Malacañang na si Executive Secretary Medialdea ay nahirapan sa pagpapaliwanag sa pagpapalawig ng martial law. Sinabi pa niya na hindi nila hinihingi ang unlimited martial law. Ang hinahanap nila ay ang walang katapusang kapayapaan.

Ayon pa kay Medialdea, sa kabila ng may martial law sa Mindanao, may 185 rebelde pa ang hindi nadarakip at malaya.

May posibilidad na ang mga ito ay nagpapalakas ng puwersa. At may bagong lider na pumalit sa Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon, at nagbabalak umanong maglunsad ng pambobomba sa Cotabato.

Sa bahagi naman ng paliwanag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, martial law administrator, may aktibong recruitment umano ng bagong Moro fighters. Ang rebelyon ay hindi pa natatapos, lumipat lamang ng ibang lugar, aniya.

Sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao, binatikos ang desisyon ng Kongreso ng mga oposisyon at ng isang grupo ng mga abogado. Ang extension ng martial law ay pagtatangka raw ng administrasyong Duterte na pagtakpan ang “mapaminsalang katiwalian” at “incompetent” na pamahalaan at ng pagtatangka na ang bansa ay maging isang police state.

Ang mga mambabatas na kontra sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao ay inaasahang idudulog sa Korte Suprema para kuwestiyunin ang legalidad ng martial law extension. Marami naman tayong kababayan na pabor sa extension ng martial law at umaasang magagawa ng rehimeng Duterte ang pagsugpo sa rebelyon, at ang pagdakip sa mga rebeldeng grupo. Kung magtatagumpay, makakamit ang mailap na kapayapaan sa Mindanao, na magbubunga ng pag-unlad.