Ni JIMI ESCALA
MARAMING katoto ang nakapansin sa lalo pang gumandang si Erich Gonzales, nang humarap siya sa presscon ng Siargao, ang 2017 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na pinagbibidahan nila nina Jericho Rosales at Jasmine Curtis-Smith.
Hindi lang mukha ang hinangaan ng entertainment press sa dalaga kundi pati na ang magandang hubog ng katawan niya.
Ayon kay Erich, talagang pinaghandaan niya ang pagpapaganda ng katawan dahil bukod sa nasabing pelikula ay siya na rin ang bagong Tanduay calendar girl sa susunod na taon.
“Siyempre, dapat naman talagang paghandaan at pagtatrabahuan po natin ito. Kumbaga, kung hindi ko po gagawin ngayon, eh, kalian pa? I mean, I’m ready for it, hindi na po tayo bata, so, ‘yun, dumating po ‘yung project and nai-prepare ko po namang lahat,” napatawang paliwanag ni Erich.
Ikinuwento rin niya na perfecf timing ang offer sa kanya para gawin ang Siargao noong mga araw na hinahanap pa niya ang kanyang sarili dahil sa break-up nila ng dating kasintahang si Daniel Matsunaga.
“Nagpapasalamat ako sa project na ito, dahil nang dumating ito parang timing lang talaga, parang gusto kong mahanap ang sarili ko, ano ba ang nangyayari. Pero bago pa ako pumunta sa Siargao, nahanap ko na ang sarili ko. Hindi na ako lost,” paliwanag ng Kapamilya actres sabay tawa.
Ganoon na lang ang pasasalamat ni Erich sa co-stars niya sa pelikula lalung-lalo na kina Jericho Rosales, Jasmine Curtis at sa direktor nilang si Paul Soriano.
“Sobrang nakatulong sila sa akin. Nag-shoot kami doon for almost a month and work talaga kami pero parang hindi work din, sobrang nag-enjoy kami and sobrang para sa akin, eh, bonus na ‘yung location na talaga namang ang ganda,” lahad pa ng aktres na tubong Cebu.
Aminado si Erich na medyo sexy ang role niya sa 2017 MMFF movie, pero very open naman na siya sa ganitong roles.
Hindi na nga naman talaga siya teenager, pero depende pa rin daw sa project at kung sinong director ang hahawak.