Ni Lyka Manalo

IBAAN, Batangas - Mariing itinanggi ng alkalde ng Ibaan, Batangas na may kaugnayan siya sa operasyon ng ilegal na droga matapos niyang matanggap ang order ng National Police Commission (Napolcom) na nag-aalis sa operational supervision at kontrol niya sa lokal na pulisya.

Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Juan “Danny” Toreja na “false at baseless” ang impormasyon pinagbasehan ng Napolcom sa naging pasya nito.

Aniya, Lunes nang natanggap niya ang Napolcom Resolution No. 2017-611 na may petsang Nobyembre 29, 2017.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

“It is quite lamentable and unfortunate that the Napolcom indicted me as engaged in an illegal activity without valid and credible proof. More importantly, it was done in violation of my rights to due process. I have been unjustly accused and judgement was passed against me without having been informed that a complaint of such nature ever existed,” saad sa pahayag ni Toreja.

Ayon pa sa pahayag, patuloy umano ang suporta ng alkalde sa pagsugpo sa operasyon ng ilegal na droga sa kanyang bayan simula nang maglingkod siya at ngayon ay nasa ikatlong termino na.

Buo rin ang kanyang suporta sa programa laban sa ilegal na droga ni Pangulong Duterte, ayon sa alkalde.

Naghahanda na ang kampo ni Toreja na umapela sa Napolcom upang mapatunayang wala siyang kaugnayan sa operasyon ng ilegal na droga.

“My conscience is clear. The truth will prevail,” ani Toreja.

Samantala, dalawa sa 26 na barangay sa Ibaan ang idineklara nang drug-cleared ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), habang tatlo pang barangay ang malapit nang ideklarang drug-cleared.

Ayon kay Senior Insp. Ricaredo Dalisay, 1,007 ang sumuko sa Oplan Tokhang sa Ibaan at 700 sa mga ito ay sumailalim sa counselling at nakapagtapos na sa programang Simula ng Pag-asa (SIPAG).