Ni Annie Abad
“PAGKAKAISA MEETING”.
Ganito inilarawan ni dating Senador at ngayon ay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Allan Peter Cayetano ang kanyang naging pagpupulong kamakalawa kasama sina Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez at Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco, ukol sa preparasyon ng 2019 hosting ng Southeast Asian Games (SEAG).
Ayon kay Cayetano, ang nasabing pulong ay naging ayos at wala umanong halong pulitika gayung nagkaiisa silang tatlo sa pagdedesisyon sa ikatatagumpay ng pagtatanghal ng nasabing biennial meet sa bansa.
“Chairman Ramirez, president Peping and I we spent four long hours in a meeting to prepare for the Southeast Asian games. And I’m happy to say na ito yung “Pagkakaisa meeting” walang halong pulitika,” pagmamalaki ni Cayetano.
Sinabi ng Secretary na maraming paghahanda ang kailangan na maisakatuparan para sa hosting na ito ng SEAG kasama na dito ang seguridad at ang mga venues na pagdarausan ng mga events.
Kabilang sa listahan ng mga venues na maaring gamitin para sa nasabing biennial meet ay ang mga lugar ng Zambales, Clark, Tarlac, Bulacan at ang Manila.
“We are looking at these venues para magamit pero we still have to check para malaman natin kung anu ano ang mga pwedeng gawin sa mga venues na ito para gawing Olympic standards,” ani Cayetano.
Kasama din sa plano ng kumite ang pagpapaayos ng Rizal Memorial Stadium, upang gamitin bilang isa sa mga main venues ng hosting ng bansa sa SEAG.
Nakatakda muling magpulong ang tatlong opisyales pagkatapos ng Pasko upang masimulan na ang mga plano sa matagumpay na hosting sa 2019.