Ni Fer Taboy
Nagpakamatay ang isang lalaki makaraan niyang gilitan at mapatay ang kanyang misis sa Barangay New Albay sa Maragusan, Compostela Valley, iniulat ng pulisya kahapon.
Ayon sa imbestigasyon ng Maragusan Municipal Police, nangyari ang krimen sa Purok Rizal, Sitio New Visayas, Bgy. New Albay.
Ang biktima ay kinilalang si Sylvia Gonzales, 51, magsasaka, na natagpuang patay makaraang gilitan ng asawang si Jose Talledo, 45, magsasaka.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon umano ng matinding pagtatalo ang dalawa hanggang sa gilitan ni Talledo si Gonzales gamit ang karit, na kaagad nasawi.
Matapos ang pamamaslang, nilaslas naman umano ng suspek ang sariling pulso at leeg bago nagsaksak sa tiyan.
Namatay si Talledo habang isinusugod sa pagamutan.
Narekober ng pulisya sa crime scene ang duguang karit na ginamit sa krimen.