Ni Celo Lagmay

SA unang pagkakataon, nagitla ako sa pagtalikod ni Pangulong Duterte sa kanyang paminsan-minsang mistulang panduduro sa mga mamamahayag: “Hindi ko kayo kaaway.” At may kabuntot pa: “I want to be friends with you forever.”

Sa madamdaming Christmas party ng Malacañang Press Corps (MPC) na inihanda ng Pangulo, lumutang ang katotohanan na ang gobyerno at ang media ay mananatiling magkatuwang, lalo na sa pagtuklas ng katotohanan na dapat malaman ng sambayanan. Ang ganitong relasyon ay dapat lamang asahan; ito ay natitiyak kong nakaangkla sa pagpapatupad ng Freedom of Information (FOI) na kumikilala sa makabuluhang tungkulin ng media sa paglalantad ng makatuturang impormasyon hinggil sa ikinikilos ng administrasyon.

Subalit binigyang-diin ng Pangulo: “The relationship between government and media will always be adversarial.” Ibig sabihin, kaibigan niya ang mga mamamahayag, ngunit sila ay mananatiling magkalaban kung pag-uusapan ang kani-kanilang paninindigan sa iba’t ibang isyu. Magkakaiba ang kanilang mga pananaw, kaakibat ng kanyang hangaring dapat manatili ang pagkakaibigan magpakailanman.

Ganito ang sitwasyon ng minsang ibinaling ng Pangulo ang kanyang galit sa ilang mamamahayag at mga media outfit.

Sariwa pa sa aking gunita nang kanyang mistulang duru-duruin ang ilang mediamen na tumuligsa sa kanyang mga patakaran, lalo na ang kanyang maigting na kampanya sa pagpuksa ng illegal drugs. Kabilang na rito ang isang broadcast outfit na naglangtad ng kanyang sinasabing nakatagong kayamanan. Tila may kaakibat nang panunuyo ang kanyang pakikitungo ngayon sa naturang mga mamamahayag at broadcast group.

Totoo na ang media, tulad ng iba pang sektor ng mga propesyonal, ay binubuo rin ng tinatawag na mga ‘extreme’ o ‘pinaka’. May pinakamarunong, pinakamayaman, pinakabugok, pinakamatapang, pinakamayabang at iba pa. Subalit kami ay may mga paninindigan at simulain din na dapat ipaglaban, na maaaring taliwas sa pananaw ng pamahalaan.

Sa kabila nito, may dignidad at dangal din naman na dapat igalang ang media; karangalan na hindi dapat yurak-yurakan na lamang ng sinuman.

Ang media at gobyerno ay marapat lamang manatiling magkatuwang at magkaagapay sa makabuluhang misyon na dapat isagawa nang hindi tinatalampak ang karapatan sa pamamahayag o press freedom.