Ni Marivic Awitan
KINUHA ng University of Perpetual Help ang serbisyo ni dating NCAA champion coach Frankie Lim para magsilbing consultant ng koponan sa susunod na collegiate season.
Batay sa salaysay ng isang source, inaasahang makakatulong ang 57-anyos na si Lim para muling mapaangat ang performance ng Altas na bumagsak sa nakaraang Season 93.
Ayon sa source, si Lim ang nagpapatakbo ng ensayo ng Altas kasama ni coach Jimwell Gican.
Balak din umano ni Lim na dalhin sa Perpetual anang source and dalawa niyang assistant coaches para makatulong na paangatin ang laro ng Altas.
Nagtala lamang ng apat na panalo nitong nakaraang season ang Altas na sinandigan sina Prince Eze, Gab Dagangon, AJ Coronel at Keith Pido makaraang mawala si Bright Akhuettie na lumipat ng University of the Philippines.
Isa ang Perpetual sa mga NCAA teams na nakatakdang sumabak sa darating na 2018 PBA D League bilang maagang preparasyon sa NCAA Season 94.
Bago naging consultant ng Altas, galing si Lim ng Indonesia kung saan siya naging coach ng Stadium Jakarta. Naging coach siya ng San Beda noong 2007 hanggang 2011.