World 9-ball title, naibalik ni Biado sa ‘Pinas.
DOHA, Qatar – Mula sa maliliit na bilyaran sa kanto, hanggang sa pinakamalaking torneo sa international scene, narating ni Carlo Biado ang pedestal at ang pinakamimithing karangalan sa mundo ng billiards – ang World Championship.
Muling nagdiwang ang sambayanan matapos ang pitong taon sa pagkakaroon ng bagong kampeon nang magapi ni Biado, kilala sa mundo ng sports bilang ‘Lucky Luke’ sa All-Filipino Finals si Roland Garcia, 13-5, sa World 9-Ball Championship nitong Miyerkules (Huwebes ng gabi sa Manila) sa Al Arabi Spots Club dito.
Tunay na masuwerte ang 34-anyos na si Biado na nakausad sa Final Four na hindi na kinailangang sumargo at tumumbok nang madiskwalipika ang karibal na si Liu Haitao ng China sa Final 8 match.
Sa ulat, nadiskwalipika ang premyadong cue master ng China nang mabigong makarating sa itinakdang oras nang laro.
Napasarap ang tulog ni Liu nang magbalik ito sa kanyang hotel matapos ang pahirapang duwelo sa Final 16.
Sa semifinals, nabalahibuhan ni Biado ang 22-anyos rising star na si Wu Kun-lin ng Chinese Taipei tungo sa dominanteng panalo, 11-6, habang magaan din ang ratsada ni Garcia kontra billiard teen star Klenti Kaci ng Albania.
Karanasan ang naging puhunan ni Biado sa duwelo kay Garcia, isa sa protégée ni billiards legend Efren ‘The Magician’ Reyes, upang makumpleto ang ‘three-peat’ sa major tournament na nilahukan ngayong taon at makabawi sa kabiguan nalasap sa Finals sa nakalipas na edisyon noong 2015 kontra Ko Pin Yi ng Taiwan, 13-11.
Nitong Hulyo, nagmarka sa kasaysayan si Biado bilang unang Pinoy na nagwagi sa World Games sa Poland. At sa sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia nitong Agosto, nangibabaw ang kanyang kahusayan.
Maagang kinuha ni Biado ang momentum matapos ang krusyal na sablay ni Garcia, sumabak sa World finals sa unang pagkakataon, para makuha ang 7-0 bentahe sa kanilang race-to-13, alternate break duel.
Nakaisa si Garcia, ngunit mabilis na nakabawi si Biado para sa 8-1. Nakadalawang sunod na panalo ang pambato ng Pampanga, subalit hindi na bumitaw si Biado para sa 11-3 abante tungo sa kampeonato sa torneo na pinangasiwaan ng Qatar Billiard and Snooker Federation (QBSF) at sanctioned ng The World Pool Billiard Association.
“I’m very very happy right now,” pahayag ni Biado. “It’s been a long time. I worked very hard, had many disappointments. And now finally I won the world title.
“In the semis I had a bit of pressure against Wu but I got lucky in one of the racks when I missed the bank shot on the four ball but it went in the other pocket. So I got lucky.
“There was less pressure in the final because even if I don’t win, at least a Filipino will get the title. I was very comfortable that’s why I played well. Also the balls were always in an easy position after the break,” aniya.
Itinuturin naman ni Garcia na ‘blessing’ ang kaganapan na dalawang Pinoy ang naglaban sa Finals.
“It’s still a wonderful feeling to be a part of this prestigious event,” sambit ni Garcia. “And the fact that my friend and fellow countryman Carlo wins means I’m also a winner. I’m very proud of Carlo. He deserved it more than I do.
Naiuwi ni Biado, ranked No. 7 sa world, ang US$40,000 , habang naibulsa ni Garcia ang runner-up prize na US$20,000.
Huling Pinoy na nagwagi rito si Francisco ‘Django’ Bustamante noong 2010. Ang iba pang Pinoy world champion ay sina Reyes (1999), Ronato Alcano (2006) at Fil-Canadian Alex Pagulayan (2004).