Ni Celo Lagmay

MISTULANG kidlat ang bilis ng pagpapalawig ng martial law sa Mindanao. Isipin na lamang na ang kontrobersiyal na isyu ay halos apat na oras lamang na tinalakay ng magkasanib na sesyon ng mga Senador at Kongresista. At ang resulta ng botohan: 240 mambabatas ang sumang-ayon, 27 ang tumutol, sa kahilingan ni Pangulong Duterte na palawigin ang batas militar sa naturang rehiyon, mula Enero 1, 2018 hanggang Disyembre 31, 2018.

Sa loob ng maikling panahon ng paghimay sa masalimuot na isyu, hindi nailingid ang mistulang pagtango ng higit na nakararaming mambabatas sa kumpas ng Pangulo. Ibig sabihin, ang majority party na ngayon ay binubuo ng magkakahalong lapiang pampulitika – kabilang ang ilang tinatawag na mga seguristang mga political butterfly – ay kumatig sa kahalagahan ng martial law sa Mindanao.

Dahil dito, dapat lamang pasalamatan ng Pangulo ang Kongreso sa kanilang pag-unawa sa malungkot na kalagayan ng mga Pilipino, lalo na ang mga Mindanaoans na laging binabagabag ng mga karahasan. Hanggang gayon, kaliwa’t kanan pa rin ang paghahasik ng sindak ng mga rebelde na sinusuportahan ng mga dayuhang terorista na tulad ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS). Bukod pa rito ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at iba pa.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Naniniwala ako na lubhang kailangan ang martial law sa paglipol ng rebelyon at terorismo, lalo na ngayon na nasa kasagsagan ang pag-usad ng programang Bangon Marawi City. Hindi dapat magambala ang rehabilitasyon sa naturang lungsod na winasak ng malagim na digmaan ng mga rebeldeng Maute Group at ng ating mga pulis at sundalo. Katakut-takot ang mga buhay na nakitil sa magkabilang panig, bukod pa sa mismong mga sibilyan.

Totoo na walang humpay ang panliligalig ng mga terorista hindi lamang sa Mindanao. Katunayan, may mga ulat na maging sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, talamak ang pananambang at pagpatay ng mga naghahangad pabagsakin ang gobyerno. Ito marahil ang dahilan kung bakit ang isang mambabatas na Tausog ang nanindigan na marapat... lamang pagapangin ang martial law hindi lamang sa Mindanao kundi sa buong kapuluan. Natitiyak ko na ang naturang pananaw ay nakaangkla sa malimit ipahiwatig ng Pangulo na hindi siya mag-aatubili na ideklara ang batas militar sa buong bansa kung iigting ang mga balak na pabagsakin ang kanyang administrasyon.

Sa kabila ng mga pananaw ng ilang mambabatas at ng mga henyo ng Konstitusyon na labag sa batas ang pagpapalawig ng martial law sa Mindanao, lumitaw na higit na nakararami ang naghahangad ng ganap na kapayapaan sa mga lugar na binabagabag ng terorismo.