TATLO nang associate justice ng Korte Suprema ang nagbigay ng testimonya sa mga pagdinig ng House Committee on Justice upang matukoy kung may sapat na dahilan upang mapatalsik sa puwesto si Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Tumestigo ngayong linggo sina Justices Noel Tijam, Francis Jardeleza, at Teresita de Castro na binalewala umano ng Punong Mahistrado ang umiiral na proseso sa pag-aksiyon nito sa mga kaso na dapat na pinagpapasyahan ng buong korte.
Tinukoy nila ang kahilingan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II noong Mayo 29 na ilipat ang mga kaso ng Maute sa korte sa labas ng Marawi, na dapat na tinalakay sa court en banc.
Hindi maaaring balewalain, higitan o kanselahin ng Punong Mahistrado ang desisyon ng court en banc, ayon kay Justice Tijam. Nang tanungin ng isa sa mga kasapi ng komite kung ang ginawa ni Sereno sa kaso ng Maute ay maituturing na impeachable offense, sumagot siya, “I leave that up to you as judges.”
Hindi pangkaraniwan na maraming mahistrado ng Korte Suprema ang hayagang magsalita laban sa kapwa nila mahistrado gaya ng ginawang pagtestigo nina Justices Tijam, Jardeleza, at de Castro sa mga pagdinig. Dalawa pang mahistrado — sina Samuel Martires at Mariano del Castillo — ang nagpahayag din ng kahandaang tumestigo sa komite kapag ipinagpatuloy nito ang pagdinig sa Enero, ayon kay Speaker Pantaleon Alvarez.
Kakailanganing magpasya ng Kamara kung alin sa maraming kaso laban kay Sereno — gaya ng pambabalewala umano sa mga panuntunan ng korte at ang itinuturing nilang kawalang respesto sa iba pang mga mahistrado — ang dapat na litisin para sa impeachment. Nakasaad sa Konstitusyon na impeachable ang: “culpable violation of the Constitution, treason, bribery, graft and corruption, other high crimes, or betrayal of public trust.”
Nang tanungin kung dahil sa mga testimonyang inilahad ay may sapat nang dahilan upang patalsikin sa puwesto si Chief Justice Sereno, sinabi ni Speaker Alvarez na naniniwala siyang ang mga dahilan ay “sobra-sobra”. Walang dudang kinakatawan niya ang opinyon ng mga kasapi ng Kongreso. Kaya dapat na nating asahan na matutukoy ng Committee on Justice — at kalaunan ay ng buong Kamara — ang matibay na katwiran upang maisumite sa Senado ang reklamong impeachment para litisin.
Sa Senado ibababa ang hatol. Habang nakaantabay ang buong bansa, isasagawa ng mga senador ang judicial proceeding, subalit sa huli ay magpapasya sila bilang mga pulitiko. Mayroon silang sapat na panahon upang buuin ang kanilang pasya, partikular na kung ang sinasabing mga ginawa ng Punong Mahistrado ay labag sa Konstitusyon o isang pagtataksil sa bayan.