CLEVELAND (AP) – Naisalba ng Cavaliers ang matikas na pakikihamok ng Los Angeles Lakers para maitarak ang 121-112 panalo nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).
Nanguna si Kevin Love na may 28 puntos para sa Cavs (21-8), ngunit ang ratsada ni LeBron James na 25 puntos, 12 assists at 12 rebounds para sa ika-59 career triple-double at pantayan ang marka ni cage legend Larry Bird.
Hataw ang Lakers sa unang sultada ng aksiyon para maghabol ang Cavs sa siyam na puntos. Nagawang maibaba ng Cleveland ang 14-4 run para maagaw ang momentum at bentahe sa 63-60 sa halftime.
Nagtumpok si Jose Calderon ng season-high 17 puntos para sa Cleveland.
Nanguna si Brandon Ingram sa Lakers (10-17) na may 26 puntos, habang tumipa si Kyle Kuzma ng 20 puntos mula sa bench. Nag-ambag si Lonzo Ball ng 13 puntos, 11 assists at walong rebounds.
WOLVES 119, KINGS 96
Sa Minneapolis, nahila ni Karl-Anthony Towns ang career double-double performance sa 23 ngayong season sa naiskor na 30 puntos at 14 rebounds sa panalo ng Timberwolves kontra Sacramento Kings.
Nag-ambag si Jimmy Butler ng 21 puntos at siyam na assists, habang pumitas si Andrew Wiggins ng 22 puntos para sa Minnesota (17-12).
Nagsalansan si Zach Randolph ng 15 puntos at siyam na rebounds para sa Kings, habang tumipa si George Hill ng 16 puntos at kumana si Kosta Koufos ng 11 puntos at walong rebounds mula sa bench.
Umary ang Minnesota sa third period mula sa 13-0 run, tampok ang jumper ni Butler para sa 84-64 bentahe. May pagkakataon na umabot sa 29 puntos ang kalamangan ng Timberwolves.
PISTONS 105, HAWKS 91
Sa Atlanta, ginapi ng Detroit Piston, sa pangunguna ni Andre Drummond na may 12 puntos, 19 rebounds at career-high siyam na assists, ang kulelat na Hawks.
Kumubra si Tobias Harris ng 19 puntos, habang kumana sina Avery Bradley at Langston Galloway ng 18 at 17 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nanguna si Ersan Ilyasova sa laban ng Hawks sa naiskor na 23 punto, habang nagtumpok sina John Collins at Dennis Schroder ng 15 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod para sa Atlanta (6-22).
KNICKS 111, NETS 104
Sa duwelo ng ‘Broadway team’ sa New York, nanaig ang Knicks kontra sa Brooklyn Nets.
Sinandigan ni Courtney Lee ang Knicks matapos ang maagang pagkawala ni Kristaps Porzingis bunsod ng injury sa kanang tuhod.
Tangan ng Knicks ang 57-40 bentahe sa second quarter bago inilabas ang iika-ika na si Porzingis sa Barclays Center.
Bunsod nito, nagawang maibaba ng Nets ang 27-10 run sa third period para maagaw ang kalamangan sa 77-73, ngunit nagpakatatag ang Knicks para sa panalo.
Nanguna si Lee na may 27 puntos, habang humirit si Michael Beasley ng 15 puntos para sa Knicks (15-13), habang kumana sina Enes Kanter at Porzingis ng tig-13 puntos.