Ni REGGEE BONOAN
“BAGAY na bagay kasi kay Kris (Aquino) ang project, basta ayoko muna i-reveal kung ano, saka na. Sila ni Derek (Ramsay) ang magkasama,” nakangiting sabi ng Quantum Films producer na si Atty. Joji Alonso nang makausap namin sa press preview ng All of You sa Director’s Club, SM Megamall nitong Martes ng hapon.
Nabanggit kasi ni Derek na kahit may offer sa kanya para gumawa ng project sa ibang bansa ay mananatili muna siya sa Pilipinas dahil marami siyang commitment, tulad ng pelikulang gagawin niya sa Star Cinema kasama sina Bea Alonzo at Paulo Avelino at ang pagsasamahan nila ni Kris na ididirihe ni Chris Martinez sa Quantum.
Kaya kinulit namin si Atty. Joji kung anong project ‘yung kina Derek at Kris. Nabanggit na rin naman ito ni Kris at naiulat dito sa Balita.
Sa Taiwan ba ang shooting nina Kris at Derek, dahil tatlong pelikula na ng Quantum Films ang doon kinunan (Walang Forever, Dalawang Mrs. Reyes nina Judy Ann Santos at Angelica Panganiban at All of You).
“Ay, hindi na, dito lang sa Pilipinas, ha-ha-ha, magastos,” natawang sagot ni Atty. Joji.
Samantala, curious kami kung ano ang ibibigay na grado ng Cinema Evaluation Board (CEB) sa All of You nina Derek at Jennylyn Mercado na sinulat at idinirihe ni Dan Villegas under Quantum Films, MJM Productions, Globe Studios at Planet A Media.
Maganda at napapanahon ang kuwento ng All of You, tungkol sa magkarelasyon na sinubukan munang magsama sa iisang bubong nang hindi pa kasal para malaman kung compatible sila sa isa’t isa bukod pa sa hindi marrying type ang karakter ni Derek.
Compatible naman sila sa lahat ng bagay lalo na sa kama na malaking bagay sa magkarelasyon, pero sabi nga’y love is not always a bed of roses dahil pati maliliit na bagay ay lumalaki at napag-aawayan hanggang sa naghiwalay.
Pero muli silang nagkabalikan dahil na-realize ng karakter ni Derek na marami ang nabago sa buhay niya habang kapiling niya si Jennylyn at inalok na niya ng kasal.
Binigyan ng R-13 ng MTRCB ang All of You dahil sa napakaraming bed at kissing scenes at mga dialogue na hindi pa dapat marinig ng mga bata.
Mapapanood na ang All of You sa Disyembre 25 bilang isa sa mga kalahok ng 2017 Metro Manila Film Festival.