Ni Kier Edison C. Belleza
CEBU CITY – Naging pagluluksa ang dapat sana ay araw ng kasiyahan at selebrasyon para sa mga kaanak at kaibigan ng dalawang kapapasa lang sa nursing licensure exam, makaraang masawi ang mga ito sa isang aksidente nitong Disyembre 12.
Nasawi sina Louis Mitchell Nayre Ferolin, 23; at Alexa Eddy Ceniza Carvajal, 21, kapwa taga-Mandaue City at nagtapos sa Cebu Doctors’ University, sa isang aksidente sa sasakyan sa Barangay Barrio Luz, Cebu Cuty nitong madaling araw ng Martes, ilang oras bago isapubliko ang resulta ng 2017 nursing licensure examination.
Kapwa kabilang sina Carvajal at Ferolin sa 5,875 mula sa 12,869 examinees na pumasa sa licensure exam noong nakaraang buwan.
Ayon kay PO2 Jacinto Arnado, ng Cebu City Traffic Division, sakay ang dalawa sa Isuzu MU-X (ABN-5206) nang mawalan ng kontrol sa manibela si Ferolin habang paakyat sa flyover sa Governor Cuenco Street, at binangga ang magkabilang railings ng overpass.
Nabatid na galing ang dalawa sa farewell party ng kaibigan nilang si Jamayla Codilla, na magtatrabaho sa ibang bansa.
Sugatan naman si Codilla at si Caira Colonia na kapwa lulan sa sasakyan nang mangyari ang aksidente.