Ni Rommel P. Tabbad
Walang ipatutupad na taas-pasahe sa mga public utility jeepney (PUJ) hanggang sa 2018.
Ito ay makaraang ipagpaliban ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagdinig sa petisyon para sa jeepney fare hike.
Itinakda ng LTFRB ang naturang pagdinig sa Pebrero 13, 2018.
Ayon sa LTFRB, kinakailangan pang ihanda ng ilang transport group ang kanilang mga dokumento para patunayang kailangang magtaas ng pasahe dahil sa mas mataas na presyo ng spare parts.
Setyembre nang isinampa ng limang transport group, sa pangunguna ng Pasang Masda, ang petisyon para hilingin ang P2 dagdag-pasahe sa pampasaherong jeep.
Paliwanag ng grupo, ang pagtaas ng pasahe ay para tulungan ang mga driver at operator dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo at spare parts.