Ni JIMI ESCALA
NAGSAMA-SAMA sa reunion cum Christmas party nitong nakaraang Linggo ang mga naging member ng That’s Entertainment sa Salu Restaurant na pagmamay-ari ng mag-asawang Romnick Sarmenta at Harlene Bautista na naging miyembro rin ng nasabing programa ng namayapang si German “Kuya Germs” Moreno.
Nabuo ang plano para sa nasabing pagtitipon sa burol ng kamiyembro rin nilang si Isabel Granada. Nagkita-kita ang karamihan sa kanila sa lamay ni Isabel kaya nagkaisa silang magkaroon ng reunion.
Ginawa raw nilang ito para alalahanin ang namayapang discoverer at mentor nilang Master Showman. Nagsama-sama sa pambihirang pagkakataon ang Kapuso at Kapamilya stars na matagal nang hindi nagkikita-kita o nag-uusap-usap.
Umaatikabong kuwentuhan ang nangyari sa tinitiliang mga artista sa That’s sa Broadway Centrum. Nagsama-sama sa umpukan ang mga miyembro ng Monday, Tuesday, Wednesday, Thursday at Friday groups.
For sure, masayang-masaya si Kuya Germs sa pagsasama-sama ng mga dating alaga niya na umabot noon sa mahigit isandaang miyembro. Naaalala pa namin na sa bulsa mismo ni German Moreno nanggagaling ang suweldo ng mga bata na idinideposito niya sa kanya-kanyang accounts sa bangko.
Kuwento sa amin ni Chuckie Dreyfus ng Wednesday group along with Romnick Sarmenta, Sheryl Cruz, Precious Hipolito, Marilyn Villamayor at iba pa, napakasaya raw nilang lahat noon.
Aniya, may mga kasamahan silang sumeksi, meron namang nagsitabaan, at meron namang super-yaman na!
Nagsidatingan ang mga kasamahan nilang sumikat nang husto, sumikat sandali, at ‘yung hindi talaga nabigyan ng kislap ang pagiging bituin.
Dumating sina Piolo Pascual, Vina Morales, Ruffa Gutierrez, Ian Veneracion, Karla Estrada, Kempee de Leon, Harlene Bautista, Romnick Sarmenta, Jean Garcia, Ana Roces, Ramon Christopher, Tina Paner at maraming iba pa.