SA ikalawang sunod na taon, hindi ipatutupad ang nakagisnan nang seremonya ng paglalagay ng tape sa dulo ng mga baril ng mga pulis. Nakasanayan na ang nasabing seremonya upang himukin ang mga pulis na huwag magpaputok ng baril tuwing sinasalubong ng bansa ang Bagong Taon.
Taun-taon, may mga ulat ng natatamaan ng ligaw na bala, karaniwan ay mga batang nanonood lamang ng fireworks sa kalangitan. Sa loob ng maraming taon, nilalagyan ng tape ng Philippine National Police ang dulo ng mga baril ng mga tauhan nito bilang babala na hindi sila dapat magpaputok ng kanilang baril habang nakikiisa sa maingay na selebrasyon.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa na naninindigan siya sa kanyang tiwala at kumpiyansa sa kanyang mga tauhan na hindi lalabagin ng mga ito ang kanyang direktiba laban sa pagpapaputok ng baril sa bisperas ng Bagong Taon. “We trust our policemen that they will not do that,” aniya.
Isa itong katanggap-tanggap na deklarasyon ng tiwala sa mga pulis sa ating bansa sa harap na rin ng maraming kaso na nagbibigay ng batik sa imahe ng pulisya. Sa pagsisimula ng administrasyon, maraming pulis sa Metro Manila na nasangkot sa iba’t ibang kaso ang ipinadala sa Basilan, bilang paraan ng pagpaparusa.
Nang ilunsad ang kampanya kontra droga, sa pangunguna ng PNP, libu-libo ang napatay sa mga operasyon, dahil maraming adik at tulak ang umano’y nanlaban sa mga pulis. Subalit mayroon ding mga ulat ng pang-aabuso, kabilang ang pagpatay sa mga menor de edad, kaya naman pansamantalang inalis ni Pangulong Duterte ang PNP sa nasabing kampanya at inatasan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pangasiwaan ito. Inatasan niya si Director General dela Rosa na magpatupad ng kampanya laban sa mga tiwaling pulis sa serbisyo.
Kalaunan, ibinalik ang PNP sa kampanya kontra droga, at nagdeklara si dela Rosa ng tiwala sa kanyang mga tauhan nang ihayag niya na hindi na lalagyan ng tape ang dulo ng mga baril ng mga ito ngayong taon. Sana ay makatulong ito upang mapaigting ang kanilang morale.
Gayunman, posibleng matatagalan pa bago ang mga insidenteng gaya ng pagpatay sa binatilyong taga-Caloocan na si Kian Loyd delos Santos sa isang operasyon ng pulisya ay matutuldukan at mapaiiral ang katarungan. Ang kaso ng binatilyo na pinaslang kahit pa nasa kustodiya na ng pulisya, batay sa kuha ng mga CCTV camera, ay iniimbestigahan na, at tinitiyak sa publiko na hindi kinukunsinti ng PNP ang mga pag-abuso ng mga tauhan nito sa mga isinasagawang operasyon.
Sa kainitan ng insidenteng ito sa Caloocan, iminungkahi ni Sen. Sherwin Gatchalian na magsuot ng mga body camera ang mga pulis na sasabak sa mga operasyon. Ang kuha ng mga nasabing body camera ang magsisilbing konkretong ebidensiya laban sa mga tiwaling pulis, aniya.
Tinanggihan naman ng ilang opisyal ng PNP ang nasabing mungkahi. “There really is no need for a body camera; our camera as policemen is God,” anang isa.
Tunay na isa itong ideyal na sitwasyon — ginagawa ng mga pulis ang kanilang trabaho nang may buong paggalang sa batas at sa mga umiiral na proseso ng pulisya. Pinakamainam marahil na subukan ang mungkahi sa paggamit ng mga body camera sa harap na rin ng mga insidente na nagbunsod upang pansamantalang bawiin ni Pangulong Duterte sa PNP ang pagpapatupad ng kampanya kontra droga.
Kumpiyansa tayong magagawa ng pulisya na magampanan nang maayos ang kanilang tungkulin sa pagpapatupad ng batas at pagbibigay ng proteksiyon sa mamamayan, habang lubos na pinagtitiwalaan ng lahat, kabilang ang mga karaniwang tao sa mga komunidad na dumanas o nakasaksi sa madugong mga pagsalakay ng mga pulis sa nakalipas na mga buwan.