Nina CHARISSA M. LUCI-ATIENZA at LEONEL M. ABASOLA, at ulat nina Roy C. Mabasa, Dhel Nazario, at Yas D. Ocampo
Makalipas ang mahigit apat na oras ng deliberasyon, inaprubahan kahapon ng Kongreso sa joint session ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ang batas militar at ang suspensiyon ng writ of habeas corpus sa Mindanao simula sa Enero 1, 2018 hanggang sa Disyembre 31, 2018.
May kabuuang 240 mambabatas ang bumoto pabor sa pagpapalawig ng martial law, habang 27 naman ang tumanggi rito.
Bumoto ang Senado ng 14-4, habang 226-23 naman ang boto ng Kamara.
Hiniling ng Pangulo sa Kongreso na palawigin pa ng isang taon ang batas militar sa Mindanao “to quell rebellion completely” sa rehiyon.
“Despite the liberation of Marawi City, and the eerie silence in the main battlefield, a state of actual rebellion subsists in Mindanao, perpetrated not only by remnants of the DAESH-inspired DWIM, but also by other local and foreign terrorist groups, including the New People’s Army, and ready to explode anew at any given time,” sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa joint session kahapon. “Public safety requires a further extension of martial law and suspension of the privilege of the writ of habeas corpus in Mindanao, in order to quell this rebellion completely.”
Matatandaang Mayo 23, 2017 nang ideklara ni Pangulong Duterte ang martial law sa Mindanao ilang oras makaraang salakayin ng Maute-ISIS ang Marawi City. Hiniling niya ang pagpapalawig sa batas militar hanggang sa Disyembre 31 ngayong taon at inaprubahan ito ng Kongreso sa joint session nitong Hulyo 22.
Gayunman, mariing tinutulan ng mga senador at kongresista ng Liberal Party at ng pitong kasapi ng Makabayan bloc sa Kamara ang panibagong extension dahil sa pagiging “unconstitutional” nito.
WALANG REBELYON
Iginiit ni Senator Francis Pangilinan na ang pag-apruba sa panibagong martial law extension ay “contrary to the Constitution”, habang binigyang-diin naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ang pagpapalawig ng isang buong taon pa “does not find basis under the Constitution”.
“There is no state of rebellion. These are only threats at this point. Actual armed conflict is basic foundation for the continued imposition of martial law,” ani Drilon.
Naghain ng resolusyon kontra sa martial law extension, inaasahang idudulog ng oposisyon sa Korte Suprema ang usapin para kuwestiyunin ang legalidad nito, batay na rin sa naunang pahayag ni Drilon.
Malugod namang tinanggap ng Malacañang ang balita sa pag-apruba ng Kongreso sa pagpapalawig ng batas militar hanggang sa susunod na taon, at iginiit na ang kaligtasan ng publiko ang pangunahing layunin ng Palasyo sa hangaring extension.
Umapela rin si Presidential Spokesman Harry Roque sa publiko “[to] stand behind the Administration and rally behind our defenders to quell the continuing rebellion in Mindanao.”
KINONTRA
Samantala, kaagad namang kinondena ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at Movement Against Tyranny (MAT) ang martial law extension dahil wala umano itong basehan at magbubunsod lamang sa tuluyang pagtataboy sa libu-libong mahihirap sa Marawi City.
Sa mismong bayan ng Pangulo, mariin ding tinutulan ng Konsyensya Dabaw ang pagpapalawig sa batas militar dahil hindi na umano kailangan ito, lalo pa at nagapi na ang Maute-ISIS noon pang Oktubre 23, at malapit na ring simulan ang rehabilitasyon sa Marawi.