Ni Celo Lagmay

KASABAY ng pagpapalaya ng Supreme Court (SC) sa mga preso o detainees makaraang litisin ang kanilang mga asunto, bigla kong naitanong: Kailan at ilan naman kaya ang pagkakalooban ng Malacañang ng kapatawaran o executive clemency sa ilang bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP)? Natitiyak ko na may mga preso na karapat-dapat nang makalaya sa ngalan ng tinatawag na “humanitarian consideration”.

Naniniwala ako na marapat nang makalaya ang mga preso na nakapagpamalas na ng magandang asal samantalang sila ay nakapiit; marami sa kanila ang sumanib sa mga kapatiran na nakatuon sa pananampalataya. Higit sa lahat, makatao ang pagpapalaya o pagkakaloob ng pardon sa mga bilanggo na halos nakaratay na sa piitan dahil sa iba’t ibang karamdaman.

Katunayan, may pagkakataon na nakakamatayan na ng ilang preso ang pagdurusa sa kanilang sentensiya; namamatay nang wala sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Totoong hindi dapat panghimasukan ang Malacañang sa pagkakaloob ng executive clemency sa mga preso. Subalit makatwiran marahil isaalang-alang nito ang makabagbag-damdaming kalagayan ng mga preso na karapat-dapat sa makataong pagpapalaya lalo na ngayong Kapaskuhan. Hindi kabilang dito, siyempre, ang mga bilanggo na dapat lamang magdusa hanggang sa huling sandali ng kanilang sentensiya; mga preso na hanggang sa loob ng piitan ay naghahasik pa ng panganib at karahasan.

Taliwas ito sa makataong hakbang ng SC nang palayain nito kamakailan ang 1,162 detainees upang makapiling nila sa Pasko ang kanilang mga mahal sa buhay. Kaugnay ito ng ‘Judgement Day’ (JD), isang nation-wide project ng SC na natitiyak kong naglalayong paluwagin ang mga bilangguan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Bagamat hindi kapatawaran o pardon ang ipinagkaloob ng SC, ang naturang mga detainees o preso ay pinalaya matapos litisin ng mga husgado ang kanilang mga asunto. Ang naturang bilang ng mga pinalaya ay bahagi ng 6,336 na kaso na nilitis ng mga trial courts. Kaugnay ito ng pagpapatupad ng Continuous Trial Guidelines for Criminal Cases, ayon kay Court Administrator Jose Midas P. Marquez.

Ang JD ay napag-alaman kong isinasagawa taun-taon hindi lamang upang mabawasan ang bunton ng mga asunto sa mga husgado kundi paluwagin ang mga bilibid, lalo nga ngayon na dumadagsa ang mga nadadakip sa illegal drugs at iba pang krimen.

Anupa’t ang pagkakaloob ng executive clemency ng Malacañang at ang pagpapalaya ng SC sa mga detainees ay parehong makataong hakbang, lalo na ngayong napipinto ang pagsilang ng Panginoong Hesus.