Ni ADOR SALUTA

SA humigit-kumulang isandaang cast, magarbong location at libu-libong extras, walang duda na pinakamalaking pelikula ang pelikulang Ang Panday ni Coco Martin na palabas na ngayong December 25 along with the other seven entries sa 2017 Metro Manila Film Festival (MMFF).

COCO copy copy

Sa panayam sa Primetime King, ini-reveal niya ang milyun-milyong budget na inilaan nila for the movie.

‘Pasko para sa lahat’ PDLs, may Christmas wishlist ngayong Pasko!

“Malaki po. Sobrang laki po,” saad ni Coco nang tanungin tungkol sa ginastos niya sa kanyang unang directorial movie niya.

Bilang first time producer din ng kanyang CCM Film Productions, tiniyak ni Coco na hindi isyu ang budget sa pagbuo ng kanyang dream movie.

“Sabi ko nga, ito na ‘to, eh, ibubuhos ko na, ayaw ko na siyang tipirin. Sabi ko nga, gusto ko kapag lumabas ang mga tao sa sinehan, ang sasabihin nila, ‘Sulit!’

“Humanap kami ng pinakamagandang nag-i-effects, ‘tapos kumuha ako ng fight director na Chinese, nag-import pa kami ng mga doubles from China. Kasi, sabi namin, ano ‘yung maiiba.”

Passionate si Coco na makapagbigay ng ultimate entertainment sa Pinoy moviegoers lalo na ngayong Christmas season.

“Sabi nga namin, di ba, ‘yun nga ang purpose namin, pasiyahin ang mga manonood sa kapaskuhan. Paano yun? Dapat sulit ang ibabayad nila. Kasi, lalung-lalo na sa mga Pinoy, karamihan sa atin isang beses lang manood ng pelikula sa isang taon at pinaghahandaan nila ang Metro Manila filmfest.

“Kaya ‘yun ang gusto namin, bigyan namin ng value ang pera nila, na talagang sulit kapag nanood sila. Hayun po, tutumbasan lang po namin ang ibabayad nila sa sinehan,” seryosong sabi ng actor/director/producer.

Inamin ni Coco na habang isinasagawa ang pre-production ng Ang Panday, hiniling niya sa potential co-producers na kinabibilangan ng Viva Films at Star Cinema na pabayaan siyang gawin muna ang lahat ng gusto niyang gawin bago magdesisyon ang mga ito na tulungan siya sa pinansiyal na aspeto ng pelikula.

Parehong nagpahayag ng intensiyong tumulong ang dalawang higanteng film outfit, pero nagdalawang-isip siya.

“Okay po sa ’kin ‘yun, pero sabi ko, ‘Pwede po ba, ako muna ‘to?’” pahayag ni Coco sa kaharap na writers at editors kamakailan. “Sabi ko, p’wede po ba ako muna lahat ‘to, ako maglalabas ng pera.Wala tayong commitment, gusto ko muna panoorin n’yo muna ‘yung finished product and then, after no’n, at saka tayo mag-usap-usap.

“Kasi, sabi ko ayoko kayong isubo lang for the sake na parang, ‘O sige, ano tayo dahil pang-Pasko naman. Hindi, kasi ayokong dumating ‘yung araw na ang pangit ng kinalabasan, wala akong pakialam sa kanila. Kaya ang sabi ko kapag natapos na ‘yung finished product, kung gusto n’yo saka tayo mag-join (forces). Bago ko man sila pinag-join, kumbaga, tinapos ko muna ‘yung movie.”

Sabi pa ni Coco, “Wala akong kasiguraduhan kung mababawi ko ‘yung puhunan o kung kikita ba siya. Sabi ko, ako na ang magpo-produce para if ever na pangit, hindi magustuhan ng mga viewer, wala akong ibang sisisihin at wala akong ibang mapapahamak.

“Kasi siyempre, may mga na-experience ako na mga pelikula -- hindi naman lahat ng pelikula ko kumita -- na hindi kumita. ‘Yung mga producer hindi nakabawi, naawa ako sa kanila. Kaya sabi ko, para wala akong ibang maapakan o kung anuman, ako na lang muna ang magpo-produce.

“If ever, may ibang nagkainteres, saka na lang natin pag-usapan kapag nakita n’yo na yung final product.”

Bukod sa dahilang ito, passionate din si Coco na mai-execute ng 100 percent ang vision sa pelikula.

“’Yun ang nasa isip ko, at saka para walang ibang makialam ng vision ko. Gusto ko, ako lang. Siyempre, first directorial job ko, mahirap ang may producers kasi alam mong may input sila. Para siya sa ikakaganda pero hindi siya 100 percent na vision ko ang lalabas,” paliwanag pa ng bagong producer at direktor.