Ni Annie Abad
TULUNGAN ang mga National Sports Associations (NSA) na maisaayos ang kanilang mga unliquidated cash advances ang siyang layunin ng naganap na Reconciliation of Unliquidated Cash Seminar kamakailan,ayon kay Atty. Leslie Apostol.
Ayon kay Apostol,kumatawan kay Philippine Sports Commission (PSC) Executive Director Sannah Frivaldo sa pagpapa unlak ng panayam kahapon sa Balita, ang nasabing seminar ay nagsilbing gabay sa mga NSA’s upang maisaayos ang kanilang mga hindi pa naisusumiteng report ng mga unliquidated cash na kanilang nagamit training at paglahok sa kompetisyon sa abroad.
“This is to help the NSA’s and the PSC to be on the level when it comes dun sa unliquidated cash. For example, ang nasa record ng PSC is 10 million, pero ang sabi ni NSA is 5 million na lang yun unliquidated, so yun yung purpose ng seminar. Para mag meet and we are doing it, step by step,” pahayag ni Apostol na kung saan aniya ay alinsunod din sa COA requirement 2012-001.
Aniya, puspusan at determinado ang bagong pamunuan ng PSC, sa pamumuno ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez na maisaayos ang matagal nang suliranin sa unliquidated cash advances na umabot na sa mahigit P100 milyon.
Ipinaliwanag din ni Apostol na ito ay para muling ipaalala sa NSAs ang polisiya ng PSC hinggil sa unliquidated cash, kung saan iminungkahi nila na dapat ay may isang tao na siyang magaasikaso ng mga records hinggil sa mga naging gastusin ng sports Association.
Kung sakali man daw umano na nawala na ang dating records, o kung napalitan man ang administrayon ng isang NSA,o kung nasunog na ang dating records, o kung yumao na ang dating namumuno, ay kailangan lamang umano na magbigay ng mga dokumento na magpapatunay kung bakit nawala na ang mga dokumento, ngunit hindi ibig sabihin na clear na sa accounting ng PSC ang naturang NSA, bagkus ay magsisimula sila kung saan hahanapin muli ang huling record.
Sa kasalukuyan ay mayroong R206 million piso ang unliquidated cash ng kabuuang 54 NSAs, ngunit sa tulong ni PSC accountant Hazel Espinosa, ay unti unti na nilang matutulungan ang mga Sports Associations na maklaro ang kanilang mga records.
“Sa ngayon mag ko conduct ng one-on-one meeting with the NSAs ang accounting office, so may mga naka schedule na makipag meeting with them to comply, tapos from there, gradually, matutulungan natin sila (NSAs) na maayos ang records nila when it comes to unliquidated cash,” ayon pa kay Apostol.
Target ng PSC na matapos ang nasabing one-on-one with the NSAs hanggang bago mag Pasko.