Ni Fer Taboy
Sasampahan ng kasong administratibo ang hepe ng Ivisan Municipal Police na umano’y nagpaputok ng baril sa loob ng sabungan sa Barangay Poblacion sa Jamindan, Capiz.
Sinabi ng National Police Commission (Napolcom) na posibleng masibak sa serbisyo makaraan magpaputok ng baril sa pampublikong lugar si Senior Insp. Leomindo Tayupon.
Sa report ng Napolcom-Region 6, iniimbestigahan na ng komisyon ang ginawang pagpapaputok ng baril ni Senior Insp. Tayupon.
Ayon sa pahayag ni Allen Camering, tagapagsalita ng Napolcom-Region 6, dapat na magpaliwanag si Tayupon kung bakit ito nagpaputok ng baril sa loob ng sabungan.
Batay sa Revised Police Operational Procedure, ipinagbabawal sa sinumang opisyal ang magsagawa ng warning shot, lalo na sa matatao o pampublikong lugar.
Mahigpit ding ipinagbabawal sa mga pulis na magtungo sa sabungan.
Ayon kay Camering, sakaling mapatunayan na may nilabag na panuntunan ng Philippine National Police (PNP) ay posibleng matanggal sa serbisyo si Tayupon.