Ni AARON B. RECUENCO

Nagbabala kahapon si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na kaagad niyang sisibakin sa puwesto at isasailalim sa imbestigasyon ang sinumang hepe na mabibigong idepensa ang kanyang presinto laban sa New People’s Army (NPA).

Ito ay sa harap ng umiigting na pag-atake ng NPA laban sa pulisya at militar kasunod ng pagkansela ni Pangulong Rodrigo Duterte sa peace talks, at pagdedeklara sa kilusan bilang isang grupong terorista.

“We have an instruction about one-strike policy. If your police station was overran, the chief of police will be relieved and be investigated,” ani dela Rosa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Saklaw ng nasabing polisiya, ayon kay dela Rosa, ang mga provincial director sakaling dalawang himpilan ng pulis sa lalawigan ang nakubkob ng mga rebelde, at maging ang mga regional director kung dalawa sa kanyang mga provincial director ang nasibak.

Upang maiwasan ang nabanggit na sibakan, pinayuhan ni dela Rosa ang kanyang mga hepe, partikular sa mga lugar na pinamumugaran ng NPA, na paigtingin ang kanilang intelligence-gathering at ang pakikipag-ugnayan sa militar.

“They should also initiate anti-insurgency operations,” mungkahi pa ni dela Rosa.

Ihinalimbawa rin niya sa mga hepe ang katapangang ipinamalas ng mahigit 20 pulis ng Busuangan sa Misamis Oriental, na matagumpay na naidepensa ang kanilang presinto mula sa aabot sa 200 rebelde.

“They stood their ground, the police station was not overran. I am proud of them,” ani dela Rosa.