Ni ALI G. MACABALANG

COTABATO CITY – Dalawang tauhan ng Philippine Army ang napatay habang siyam na iba pa ang nasugatan makaraang bumaligtad at bumulusok sa bangin ang sinasakyan nilang military truck sa Antipas, North Cotabato nitong Lunes.

Sinabi kahapon ni Capt. Silver Belvis, tagapagsalita ng 39th Infantry Battalion ng Army, na nagbibiyahe ang mga biktima patungong Antipas nang mawalan ng kontrol ang driver sa manibela matapos iwasan ang isang batang tumatawid.

Ayon kay Belvis, nagpagewang-gewang na ang takbo ng Kia KM450 bago bumaligtad at tuluyang nahulog sa may 20 talampakan ang lalim na bangin sa isang gilid ng kalsada.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Kaagad na rumesponde ang mga residente at dinala sa ospital ang mga sugatang sundalo.

Nabatid na dalawang sundalo ang binawian ng buhay habang ibinibiyahe patungong ospital.

Pansamantalang hindi pinangalanan ang mga biktima dahil hindi pa naipapaalam ng militar sa kaanak ng mga ito ang kanilang sinapit.