MABABAGO na ang ikot ng mundo ng mga karakter sa La Luna Sangre pagkatapos ng kaliwa’t kanang mga rebelasyon nitong nakaraang linggo, kabilang ang tunay na katauhan ng lalaking may sumpang tinta.
Mas naging malinaw na kay Jethro (Dino Imperial) na si Tristan (Daniel Padilla), at hindi si Sandrino (Richard Gutierrez), ang tinutukoy sa nakita niyang propesiya. Dahil dito, nakaamba pala na maging magkalaban sina Tristan at Malia (Kathryn Bernardo) na kamakailan lang umamin lang ng nararamdaman nila para sa isa’t isa.
Samantala, ibinunyag na rin ni Sandrino ang isa pang pasabog na rebelasyon na kapatid niya si Tristan.
Inaabangan ng mga tagasubaybay ng hit serye kung mahihimok niya si Tristan na sumapi sa balak niyang paghahari sa mundo at kung paano tatanggapin ni Malia na si Tristan ang lalaking may sumpang tinta. Kaabang-abang din kung paano haharapin ni Tristan ang mga nabunyag sa kanyang pagkatao. Tatanggapin na lang ba ng dalawa ang nakatakda o lalabanan nila ito sa ngalan ng pag-ibig?
Napapanood ang mas pinabagsik na La Luna Sangre pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).