Ni REGGEE BONOAN
FOR the nth time, muling tinanong si Vice Ganda tungkol sa balitang may gap sila ni Coco Martin, sa grand presscon ng Gandarrapiddo The Revenger Squad na ginanap sa Enchanted Kingdom nitong Sabado ng gabi.
Matatandaang magkasama sina Vice at Coco sa Super Parental Guardians na bagamat hindi nakasali sa 2016 Metro Manila Film Festival kaya ipinalabas noong November 30 nang taong iyon ay naging highest grossing film of all time ng local cinema sa kinitang P590M. Kaya nga ang wish ng It’s Showtime host ay kumita ng P1B ang Gandarrapiddo The Revenger Squad mula sa direksiyon ulit ni Bb. Joyce Bernal for Star Cinema and Viva Films.
At sa mga panayam noong nakaraang taon kina Vice at Coco, posibleng magsama ulit sila for 2017 MMFF.
Pero heto, may kanya-kanya silang entry sa 2017 MMFF na mapapanood na simula sa Disyembre 25.
“Hindi po kami magkaaway at saka matagal na naming sinagot, paulit-ulit lang talaga kayo ng ‘tinatanong at gusto n’yo talagang marinig sa amin na magkaaway po kami,” prangkang sagot ni Vice.
“Sinagot ko na ‘yan dati at sinagot na rin ni Coco na hindi kami magkaaway. ‘Yung trilogy, hindi nangyari, pero hindi nangangahulugang hindi na mangyayari dahil mahaba pa ang tatakbuhin ng career ni Coco and hopefully ako rin naman at maraming pagkakataon.
“Sabi ko nga dati at uulitin ko ulit, mga bata pa kami ni Coco at wala pa kami parehong pera ay gusto na naming mangyari ito at ngayong nangyayari ito sa aming dalawa ay masayang-masaya kami.”
Anyway, first time gumanap na superhero ni Vice sa The Revenger Squad.
“Matagal nang plinano ‘yung superhero, actually right after nu’ng unang Praybeyt Benjamin ang kasunod dapat superhero na kasi nagkaroon ako ng unang record na highest grossing Filipino film kaya sabi ni Direk Wenn (Deramas, SLN), ‘ano’ng susunod kung ganu’n na ang record na na-set mo? Kailangan superhero na ‘yung susunod mong character.’
“So naisip nila ‘yung parang Darna kuno ‘tapos nu’ng nakausap na ng management ‘yung sa ano, ang gusto ng Ravelo, gawin muna ‘yung Darna (movie) bago gawin ‘yung Darna kuno. So, we waited na mangyari ‘yung Darna, eh, ang tagal nainip na ako, gumawa na lang kami ng sarili naming karakter kaya nagkaroon ng Gandarra,” kuwento ni Vice.
Samantala, may dahilan kung bakit sa Enchanted Kingdom ginanap ang grand presscon ng The Revenger Squad -- nagkaroon ng isang buong araw na corporate social responsibility o charity event ang Star Cinema at pinasaya nila ang 50 bata ng Hope for Change Foundation na sinusuportahan din ni 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach na ginanap sa Spaceport venue.
Tuwang-tuwa ang mga bagets nang mapanood nilang kumanta si Loisa Andalio, nagpa-game naman si Pia ng Pak Ganern at kumanta sina Daniel at Vice.
Balita rin namin ay sumakay sa rides ng EK ang buong cast ng Gandarrapiddo The Revenger Squad with the kids na inaliw nila.