Ni PNA

LIBU-LIBONG residente ng Tondo sa Maynila ang muling nakatanggap ng benepisyo sa ikaanim na bahagi ng medical mission na “TIKALUSUGAN” ng Turkish International Cooperation and Coordination Agency (TIKA), katuwang ang pamahalaang lungsod.

“Malaking bagay ito para sa akin. Mahirap ang walang pambili. Kaya nang nabalitaan ko ito, alas singko pa lang madaling raw pumila na ako,” sabi ng 75 taong gulang na si Emelita dela Cruz, biyuda at namumuhay na mag-isa, nang tanungin kung gaano siya nagpapasalamat na maging isa sa mga benepisyaryo ng medical mission.

Sa isang panayam, inihayag ni Dela Cruz na namatay ang kanyang asawa sa sakit na cancer noong 1997 at naiwan sa kanya ang dalawa nilang anak. Gayunman, pumanaw na rin ang kanyang mga anak, at sinabi niyang nakararaos siya sa araw-araw sa tulong ng mga kapitbahay at mga kaibigan niya, na minsan ay nagbibigay sa kanya ng makakain at espasyo sa kanilang mga tahanan, kung saan puwede siyang makitulog.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Aniya, sa pamamagitan ng medical mission, nagkaroon siya ng pagkakataong ipa-check up ang kanyang alta-presyon sa mga volunteer doctor, at magkaroon ng mga vitamin supplement, bukod pa sa regular na gamot sa alta-presyon na kailangan niya dahil na rin sa kanyang edad.

Nagpapasalamat din siya dahil nakatanggap siya ng libreng antipara o salamin sa mata, kaya nakakakita na siya nang malinaw.

“Nabigyan nila ako ng gamot at vitamins. Tapos po binigyan din ako ng referral for follow-up check-up sa Tondo General Hospital,” sabi naman ng 67 taong gulang na si Melencio de Guzman, nang magpakonsulta tungkol sa nararamdamang kirot sa parte ng kanyang puso.

Inamin ni De Guzman na para sa kagaya niyang salat sa buhay, napakahalaga ng medical mission.

Bukod sa mga libreng check-up, x-ray, libreng ECG test, libreng blood sugar test, blood typing, dental check up at bunot ng ngipin, nakinabang din sa medical mission ang ilang residente na nahihirapang lumakad, magbasa, at huminga, at namahagi rin ng mga tungkod, wheelchair, antipara, at nebulizer.

Sa isang mensahe, inihayag ni Yesim Baktir, TIKA country director, na layunin ng medical mission na bumuo ng mas matatag na ugnayan ang gobyerno ng Turkey sa Pilipinas.

“It’s our pleasure (to help). We feel very privilege to give to the public and everything here comes from the Turkish government from Turkish people just to keep the friendship ties (with the Philippines) stronger,” sabi ni Baktir.