Ni Clemen Bautista

NANG malipat sa PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) ang pamamahala sa giyera kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte, tulad ng sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino, hindi nga naging madugo ang mga inilunsad na anti-illegal drug operation. Walang nabalitang napatay o itinumba na pinaghihinalaang drug user at pusher.

Ang lumutang sa kampanya kontra droga ng PDEA ay ang pagdakip sa mga pinaghihinalaang sangkot sa illegal drugs. At ang pagkakakumpiska at pagkabawi sa illegal drugs na milyun-milyong piso ang halaga.

Batay sa report ng PDEA, simula noong kalagitnaan ng Oktubre 2017 na sila ang namahala sa kampanya sa illegal drugs hanggang sa magtatapos ang buwan ng Nobyembre 2017 ay umaabot sa 117, 268 katao ang nadakip ng PDEA at umabot naman sa P18.9 bilyon halaga ng droga ang nakumpiska. Walang naiulat at nabalitang may napatay at tumimbuwang na mga drug user at pusher suspect.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa nasabing pangyayari at magandang accomplishment ng PDEA , marami tayong kababayan ang natuwa at saludo sa pamunuan at mga tauhan ng PDEA. May mga nagsabi pa na magagawa pala na hindi madugo, malagim at makapanindig-balahibo ang giyera kontra droga ay bakit hindi ito nagawa ng PNP. Sa daan-libong drug suspects na napatay at tumimbuwang sa kalsada, sa loob ng bahay at sa iba pang lugar, nasira at nabatikan ang image ng PNP. Nawalan ng tiwala ang ating mga kababayan. Marami na ang natatakot kapag nakakakita ng pulis.

Ang tagumpay ng PDEA sa kampanya kontra droga ay nagresulta naman sa pamamayagpag muli ng mga mga drug suspect. May nagsabi tayong mga kababayan na natuwa ang mga hinihinalang drug user at pusher sapagkat walang napatay at tumimbuwang sa kanila, tulad ng mga nangyari noong ang PNP ang namahala sa giyera kontra droga. Nagbibilang ng napapatay araw-araw. Buhay ang negosyo ng mga punenarya.

Makalipas ang mahigit isang buwan, inihayag ng Pangulong Duterte na ang PNP ay balik-eksena sa giyera kontra droga.

Marami tayong kababayan ang nagulat at nabigla sa pahayag ng Pangulo. Halos iisa ang kanilang naging pananaw at paniniwala, lalo na sa mga nagpapahalaga sa buhay ng tao sa maaaring mangyari sa giyera kontra droga na kasama ang PNP. Madugo na naman ang giyera kontra droga. Magbibilang na naman ng mga napatay at tumimbuwang na drug suspect.

Ngunit nilinaw naman ng bagong tambolero ng Malacañang na ang PDEA pa rin ang lead agency o na mangunguna sa giyera kontra droga. Ang PNP ay susuporta lamang. Lahat ng gagawin ng PNP ay dapat na ipaalam sa PDEA. Kumbaga sa pelikula, ang PNP ay supporting actor lamang. Ang PDEA pa rin ang bida.

Nagpaliwanag naman si PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na iba na ang magiging sistema ng PNP sa giyera kontra droga. Sa mga police operation, may camera na nakakabit sa katawan ng mga tauhan ng PNP. Malalaman na ang lahat ng nangyayari sa anti-drug operation. May nagtanong naman na paano kung hindi buksan ang camera ng mga police operative?

Sa kabila ng mga paliwanag sa balik-eksena ng PNP sa giyera kontra droga, hindi pa rin nawawala ang pangamba ng iba nating mga kababayan, ng ilang senador, at ng Human Rights Watch (HRW) na nagtala ng mga patayan sa pagpapatupad ng PNP noon sa drug war.

Ayon kay Senator Grace Poe, dapat lamang na ang PDEA ang lead agency sa drug war, suporta lamang ang PNP dahil sa kakulangan ng tauhan ng PDEA.

Ayon pa kay Senator Grace Poe: “We must not forget that the PNP has been involved in too many controversial operations, thus casting doubt on the organization’s ability to uphold the rule of law and respect basic rights. With PDEA remaining on top of the operation and PNP as main support, the government will be able to help rectify the manner or conduct of such operation, This is also consistent with the President’s desire to pursue a more vigorous anti-drug campaign.”

Ayon naman kay Senador Risa Hontiveros, sa kabila ng kawalan ng tiwala ng sambayanan sa PNP dahil sa pang-aabuso, ibinalik pa ito ng Presidente sa drug war, kaya tiyak na magbabalik din, aniya, ang pangamba ng sambayanan. Dagdag pa ni Senator Hontiveros, “returning the anti-drug campaign to an unreformed PNP is a slid back into nightmare of Oplan Tokhang. It is a return to the horrors of extra-judicial killings.”

Sa balik-eksena ng PNP sa giyera kontra droga, maghihintay at magmamasid ang sambayanan sa kanilang mga gagawin kasama ang PDEA. May nagdarasal din na huwag sanang maging madugo ang giyera kontra droga ng Pangulong Duterte, na ayon sa kanya ay tatapusin niya hanggang 2022, na pagtatapos ng kanyang panunungkulan bilang Pangulo.