Ric Valmonte
“WALA na akong kuwento tungkol sa extrajudicial killing. Mangyayari ito kung mangyayari ito. Hindi ito mangyayari kung hindi ito mangyayari. Wala akong pakialam, pero sasabihin ko na may tiwala akong matatapos ko ang problema ng droga sa loob ng isang taon pa,” wika ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati pagkatapos ng oath-taking ng mga bagong opisyal ng gobyerno sa Malacañang. “Hindi ako hihinto. Determinado akong wakasan ang pagpapahirap ng droga sa ating bansa. Sa akin, ito ay sagradong bagay. Ipinangako kong gagawin ito,” sabi pa niya.
Sa paratang ng mga human rights group na siya ang responsable sa lahat ng extrajudicial killing, 10,000 namatay kasama ang mga nasawi sa ecstacy, ang sagot ng Pangulo: “Dagdagan pa ninyo iyan dahil babalik na ang mga pulis.”
Ilagay natin sa konteksto ang tinurang ito ng Pangulo. Sa ilalim ng Philippine National Police (PNP), nang ito ang nagpatupad ng war on drugs ng Pangulo, aabot sa 3,806 ang napatay. Ang taya naman ng human rights group ay mahigit 13,000, kasama na rito iyong mga napatay na ayon sa pulis ay resulta ng pag-aaway ng mga gang, ngunit sabi naman ng rights group ay gawa mismo ng mga pulis o kaya ng kanilang hired guns.
Katanggap-tanggap ba iyong sinabi ng Pangulo na madadagdagan pa ang bilang ng mga napatay ngayong ibinabalik niya ang mga pulis, bilang suporta sa Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA), sa pagpapairal ng kanyang war on drugs? Masama ito sa panlasa lalo na sa panahon ngayon na dapat magsaya ang lahat sa pagdiriwang ng Pasko. Kung hindi man siya naniniwala rito, ang mensaheng dapat magmula sa kanya ay kapayapaan at pagkakaisa. Hindi iyong sasamantalahin mo ang pagkakataong ito para hatiin ang sambayanan at takutin mo ng panganib ng kamatayan ang mga ito, biro man ito o hyperbole. Bukod dito, wala na akong nakikitang sinseridad sa Pangulo para pairalin pa niya ang kampanya laban sa droga sa paraang nauna niyang ginawa na pumatay. Wala na sa kanya ang moral authority na gawin ito. Paano kasi, sa pagpapatupad niya ng war on drugs, hindi naman niya mapigil ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.
Walang nasasala sa lambat na iniumang niya laban sa mga sangkot dito na mga taong responsable sa pagpasok ng bulto-bulto at bilyun-bilyong halaga ng shabu at cocaine. Ang lambat ay inilaan lamang sa mga yagit at pipitsugin gumagamit at nagbebenta ng droga, marahil dahil na nga sa sinabi ng Pangulo na ang shabu ay bisyo ng mga dukha. Dahil dito, sila ang napapatay. May napatay na ba sa mga taong ginawang paraan sa pagpapayaman ang mag-angkat ng tone-toneladang droga?
Tingnan ninyo ang nangyari sa P6.4-bilyon shabu na nakapasok sa bansa na nagdaan sa Bureau of Customs (BoC). Nauna rito, may mas malaki pa ritong shipment ng shabu ang natunton ng mga ahente ng NBI sa San Juan. Ilang ganitong kalaking shipment ang nakalusot sa BoC bago nabuko ang P6.4-bilyon shabu na nahanap sa Valenzuela? Ang mga opisyal ng BoC na gumawa ng paraan upang malayang makalabas ang droga ay naabsuwelto sa anumang responsibilidad at inilipat lang sila sa ibang sangay ng gobyerno. Hindi maglalakas-loob ang mga ito kung wala silang napakalakas na backer na gumagarantiya sa kanilang kaligtasan. Hindi matatapos ng Pangulo ang problema sa droga sa ganitong sitwasyon. Marami lamang ang mapapatay.