(Unang bahagi)
ni Clemen Bautista
ANG giyera kontra droga ang isa sa mga inilunsad ni Pangulong Rodrigo Duterte simula nang maupo sa panunungkulan noong Hulyo 2016. Ayon pa sa Pangulo, sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, susugpuin ang ilegal na droga sa Pilipinas. Ang Philippine National Police (PNP), sa pangunguna ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” de la Rosa, ang inatasan niyang magpatupad ng anti-illegal drug operation.
Inilunsad nito ang “Oplan Tokhang” at “Oplan Double Barrel” na kapwa naging madugo. Nagamit pa sa kagaguhan ng ilang bugok na opisyal at mga tauhan ng PNP. Tinawag tuloy na “Oplan Tokhang for Ransom”.
Mababanggit halimbawa ang dinukot at pinatay na negosyanteng Koreano. Nagbigay na ng P5-milyon ransom ang misis ng Koreano, pinatay pa rin ang biktima sa loob ng Camp Crame at ipina-cremate bago ipinalulon sa toilet bowl ang abo.
Sa inilunsad na giyera kontra droga, araw-araw laman ng balita sa mga pahayagan, radyo at telebisyon ang bilang ng mga napatay at tumimbuwang na drug suspect sa police operation. May pagkakataon pa na sa loob lamang ng siyam na oras na police operation, umabot sa 32 drug suspect ang napatay sa Bulacan. Sinundan ng 25 sa Maynila at 22 naman ang naitumba sa Caloocan City. Parang may quota ang pagpatay. Paliwanag ng tambolero ng PNP, hindi totoo at normal lamang ito sa mga police operation.
Karamihan sa mga napatay na drug suspect ay nakatsinelas at marurumi ang sakong—mahihirap. Pinasok sa loob ng bahay at itinumba. Sa bawat tumimbuwang at napatay sa police operation, paliwanag at litanya ng mga pulis: nanlaban ang mga suspect kaya napatay. Nalagay sa panganib ang buhay ng mga pulis. Wala namang magawa ang pamilya at kamag-anak ng mga napatay kundi ang manangis at sumigaw ng katarungan. Sabunot sa panot at suntok sa buwan ang kanilang panawagan. Mabibilang sa daliri ng kamay ang napatay na suspect na narco-politcian. Isa na rito ang mayor ng Albuera, Leyte na napatay sa loob ng kulungan. Ayon sa mga police operative, nakipagbarilan ang napatay na mayor. Napatingala na lamang sa sky ang marami nating kababayan.
Sa nakalipas na isang taon, nakapagtala ng mahigit 13,000 napatay sa police operation at ng mga vigilantes na ang hinala ng ating mga kababayan ay mga pulis din.
Ang madugong giyera kontra droga ay umani ng batikos sa mga nagpapahalaga sa buhay ng tao, sa mga human rights advocate at maging sa mga Obispo at alagad ng Simbahan. Binatikos din ng mga human rights advocate sa ibang bansa. Bilang pagtutol ng Simbahan, 40 gabi mula Setyembre 23 hanggang Nobyembre 1 ay pinatunog ang mga kampana sa mga simbahan sa buong Pilipinas. Ito ay upang alalahanin ang mga yumao at paalalahanan ang mga buhay na itigil na ang pagdanak ng dugo. Hindi makatao at maka-Kristiyano ang pagpatay, base sa Pastoral Letter ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle. Ang pamamahala sa bansa ay hindi sa pamamagitan ng pagpatay. Panawagan naman ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, para sa kapakanan ng mga bata at mahihirap, itigil na ang sistematikong pagpatay at ang paglaganap at paghahari ng sindak.
Bunga marahil ng mga batikos sa giyera kontra droga, inalis ni Pangulong Duterte sa PNP at inilipat sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang war on drugs nitong Oktubre 12. Paliwanag ng Pangulo, gusto niyang mapasaya ang mga kritiko sa kampanya kontra droga. Nangako naman ang pinuno ng PDEA na hindi magiging madugo ang giyera kontra droga. Gagawin ang makakaya kahit kakaunti ang kanilang tauhan.