ni Bert de Guzman
TALAGANG determinado si Pres. Rodrigo Roa Duterte na lipulin ang New People’s Army (NPA) na ngayon ay itinuturing niyang teroristang grupo. Iniutos niya ang mass arrest o maramihang pagdakip sa mga komunistang rebelde na pinayagan niyang makalaya noon para lumahok sa peace talks bilang consultants.
Kabilang sa pansamantalang pinalaya ay matataas na pinuno ng Communist Party of the Philippines at ng NPA, tulad ng mag-asawang Tiamzon, sina Benito at Wilma na mga opisyal ng NPA, na matagal na pinaghanap ng awtoridad, pinagkagastusan para madakip. Sila ay nasukol sa isang lugar sa Cebu City, ngunit pinalaya ni Mano Digong para palahukin sa usapang-pangkapayapaan ng CPP-NPA-NDF at ng gobyerno ng Pilipinas.
Ipinaalam ng cabinet men at opisyal ng Pangulo na ang pagkaklasipika o pagtuturing sa alinmang grupo bilang terorista ay nangangailangan ng approval ng hukuman. Gayunman, nakahanda na ang Pangulo na ipadakip ang communist peace consultants. Tanong: Madadakip pa kaya silang muli?
Sinabihan niya ang mga bagong promoted na opisyal ng Armed Forces of the Philippines na muling hantingin at dakpin ang communist rebels na pinayagang magpiyansa noon bilang mga consultant sa usapan ng mga komunista at ng gobyerno. Wala raw sinseridad ang CPP at ang NPA.
Para kay PRRD, ang peace consultants ngayon ay itinuturing na niyang mga pugante. “For those who are out temporarily, we will just zero in because any day now, I will order their mass arrest,” badya ng Pangulo sa harap ng mga opisyal ng militar.
Kung galit at determinado si Pres. Rody na lipulin ang CPPNPA, galit din sina Joma Sison, founding chairman ng CPP, Fr. Luis Jalandoni, at Fidel Agcaoile ng NDF na nasa Netherlands, kay Mano Digong. Inakusahan nila ang Pangulo na isang terorista at pasista na nasa likod ng libu-libong pagpatay sa mga ordinaryong pushers at users, ngunit iwas daw itumba ang mga drug lord, shabu smugglers, at suppliers.
Samantala, humihingi pa sa taumbayan ng pang-unawa ang ating Pangulo na bigyan siya ng isang taon upang ganap na malipol ang illegal drugs sa Pilipinas. Nangako siya noong kampanya na sa loob ng 3 hanggang anim na buwan ay bubuwagin niya ang illegal drugs at kung hindi, siya ay magbibitiw at ibibigay ang poder sa vice president. Hindi ito natupad. Ngayon ay isang taon ang hinihingi niya.
Pinagbibitiw ni Speaker Pantaleon Alvarez si LTO chief Edgar Galvante kung hindi nito kayang gawin o tuparin ang simpleng trabaho, gaya ng pagkakaloob ng license plates sa bagong mga sasakyan. Mr. Speaker, hindi lang bagong mga sasakyan ang walang plaka kundi maging ang mga luma o dati nang sasakyan na sapul noong 2015 ay wala pa ring plaka. Kabilang ako sa nagbabayad ng registration fees kada taon, pero hanggang ngayon ay wala pa ring plaka ang luma kong sasakyan.