Hinimok ni Mindanao Business Council (MinBC) chair Vicente T. Lao ang mga negosyante sa isla na tumigil na sa pagsunod sa extortion demands ng armadong sangay ng mga komunistang grupo na New People’s Army (NPA), dahil ito ang nagpapabagal sa solusyon sa problema ng insurhensiya sa Mindanao.

Ito ang panawagan ni Lao kasunod ng babala ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na ipasasara ang mga negosyo, lalo na ang mga kumpanya ng pagmimina, na patuloy na nagbabayad ng “revolutionary taxes” sa NPA.

Ang NPA at ang Communist Party of the Philippines (CPP) ay binansagang teroristang organisasyon sa Proclamation No. 374 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte noong Disyembre 5, 2017 alinsunod sa RA No. 10168, o mas kilala bilang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2002.

Nakasaad sa proklamasyon na sa ilalilm ng batas itinuturing na isang krimen ang pagpopondo sa terorismo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Idiniin ni Lao na “the business sector should stop paying extortion money because we are only making the situation worse.”

Gayunman, umaasa siya na kaagad na tutugunan ng gobyerno ang sitwasyon sa kapayapaan at seguridad sa Mindanao, upang ang sektor ng pagnenegosyo “can channel our finances and resources” para mapaunlad ang Mindanao.

Sinabi ni Lao na napipilitan ang ilang kumpanya na magbayad ng revolutionary taxes sa NPA upang makaiwas sa gulo, dahil sa nakalipas ay hindi sila nabibigyan ng seguridad ng gobyerno.

Idinagdag niya na inaasahan nila ang “initial setbacks” sakaling magdesisyon ang mga kumpanya na huwag nang magpatalo sa pangingikil ng mga rebelde ngunit magbubunga naman ito ng pangkalahatang solusyon sa problema.

“We have to decide once and for all, if I go against the NPAs, the communists, well everybody has to reconfigure your relationship with the NPAs. Because if you continue to support financially, I will close you down,” ani Duterte. - Antonio L. Colina IV