MARAHIL nagsimula na ang pinangangambahang padaigan ng armas sa bahagi nating ito ng mundo dahil sa mga nuclear at missile test ng North Korea.

Inihayag nitong Biyernes ni Japanese Defense Minister Itsunori Onodera ang plano ng kanyang bansa na bumili ng mga air-to-surface missile para mapabilang sa mga pag-aaring jet fighter ng Japan. Ang mga missile na ito, na kayang umabot ng hanggang 900 kilometro, at bibilhin sa Amerika. Balak din ng Japan na bumili sa Norway ng mga missile na nakaaabot ng mas maikling 500 kilometro.

Napanatili ng Japan ang eksklusibo nitong self-defense policy para sa sandatahang lakas nito simula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang, sa ilalim ni Gen. Douglas MacArthur, ay nagpairal ito ng pacifist constitution. Sa nasabing polisiya, ipinagbabawal ang paggamit ng puwersa sa pagresolba sa mga pandaigdigang alitan. Kaya naman ang puwersang militar ng Japan ay nakadisenyo lamang para sa depensa.

Ang panukalang pagbili ng mga pangmalayuang missile ay walang dudang taliwas sa polisiyang ito. Ang distansiya sa pagitan ng Japan at Korea ay nasa 926 na kilometro. Hindi na kinakailangang lumayo ang mga jet fighter ng Japan sa hangganan nito upang atakehin ang pinupuntirya nito sa Korea.

Sa isa sa mga huli nitong long-range missile test, pinakawalan ng North Korea ang isa sa mga ito na dumaan sa ibabaw ng Hokkaido, ang pinakadulong hilaga na isla ng Japan, bago bumagsak sa Dagat Pasipiko. Nais patunayan ng North Korea na madali na lang na matutumbok ng mga missile nito, na kargado ng nuclear warheads, ang pusod ng Amerika. Subalit sa ginawa nito, nilabag at pinasok ng bansa ang teritoryo ng Japan.

Ang missile na lumipad sa Hokkaido ay napaulat na nakagising sa milyun-milyong Japanese nang madaling-araw na iyon makaraang sumilbato ang mga sirena. Sinundan ito ng pahayag mula sa North Korea: “The four islands of the archipelago should be sunken into the sea by the nuclear bomb of Juche” — tumutukoy sa pambansang polisiya ng North Korea sa pagsasarili.

Idineklara naman ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe na ang Japan “never tolerate such dangerous provocation that threatens peace.” Aniya: “If North Korea continues to walk down this path, it has no bright future.”

Mistulang hindi lamang salita ang naging pahayag ni Prime Minister Abe at susundan na niya ito ng konkretong pagkilos—ang pagbili ng mga long-range missile para pakawalan ng mga jet fighter nito. Hindi na kakailanganin pa ng mga eroplano nito na lumusot sa himpapawid ng Korea upang magpakawala ng missile sa teritoryong Korean, posibleng sa mismong mga nuclear test center at sa mga missile launch site.

Ang palitan ng banta ay sa pagitan lamang ng North Korea at Amerika, at paulit-ulit na ipinagmamalaki ni Kim Jong Un na kaya nang umabot at wasakin ng mga nuclear missile nito ang alinman sa mga pangunahing siyudad sa Amerika, habang ipinag-utos naman ni President Donald Trump na pumuwesto sa lugar ang tatlong aircraft carrier nito, kasama ang mga destroyer at iba pang barkong pang-atake, at nagpalipad ng mga bomber sa ibabaw ng teritoryo ng Korea.

Subalit mistulang nakisali na sa kanila ang ikatlong bansa — ang Japan — na naghahanda nang mag-armas ng sarili nitong mga missile. Ang tanging magagawa natin ay ang umasa na ang mga pagpupursigeng pangkapayapaan, partikular ang mula sa pagsisikap ng China na pinakamalapit na kaalyado ng North Korea, ay magtatagumpay sa pagresolba sa mga hindi napagkakasunduan bago tuluyang sumiklab ang digmaan na tiyak nang makaaapekto hanggang sa labas ng rehiyon.