Isinusulong ng mga mambabatas ang proteksiyon sa mga karapatan ng tricycle drivers at operators.
Inaprubahan ng House Committee on Transportation, sa ilalim ni Rep. Cesar Sarmiento (Lone District, Catanduanes), ang isang technical working group (TWG) na mag-aayos sa House Bill 2799 o Magna Carta for Tricycle Drivers para mapangalagaan ang kanilang mga karapatan.
Hinihimok ng TWG, pinamumunuan ni Rep. Renato Unico Jr. (1st District, Camarines Norte), ang stakeholders lalo na ang mga kinatawan mula sa tricycle sector at local government units (LGUs) na maglahad at magbahagi ng kanilang mga opinyon.
Inakda ni Rep. Rosanna Vergara (3rd District, Nueva Ecija), ang panukalang “Magna Carta For Tricycle Drivers And Operators,” ay naglalayong matiyak ang patuloy na paglago at pagsulong ng sektor ng mga tricycle at maprotektahan ang kanilang kabuhayan laban sa abusadong lokal at pambansang awtoridad.
Para maprotektahan ang tricycle sector laban sa predatory pricing at illegal fees, itinatakda ng batas ang registration fee na hindi lalagpas sa P1,000 na magiging valid sa loob ng tatlong taon. Pagkakalooban din ng Philhealth coverage ang mga driver, na maaaring ma-avail sa pamamagitan ng health card na inilabas ng lokal na pamahalaan.
Ilan sa mga inirereklamo ng mga tricycle driver ang pangongolekta ng mga tiwaling awtoridad ng ilegal na bayarin, ilegal na pagbebenta ng franchise, at pag-iisyu ng maramihang permit para sa iisang tricycle number. - Bert De Guzman at Charissa M. Luci-Atienza