Ni REGGEE BONOAN

SI Calvin na ginagampanan nga ba ni Nash Aguas sa The Good Son ang killer ng amang si Victor Buenavidez (Albert Martinez) at ni SPOI Colmenares (Michael Rivero)?

Nash Aguas
Nash Aguas
Kasi naman itong si Nash, makahulugan ang sinabi tungkol sa mga inaabangang mangyayari sa The Good Son nang tanungin sa thanksgiving party ng Production 56 artists sa pangunguna nina Congressman Yul Servo at Direk Maryo J. de los Reyes. Huwag daw masyadong magtuturo sa mga kasama niya sa serye.

“Actually, marami po kasi ipapakita (noong nakaraang Martes) ‘yung pagkamatay ni SPOI Colmenares at kung may mga hinala po kayo, huwag masyadong paghinalaan ‘yung iba kasi malay n’yo kaharap n’yo na pala ‘yung pumatay sa kanila,” pamisteryosong sabi ng young actor.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Sa social media discussions ay si Calvin na talaga ang pinaghihinalaang pumatay sa tatay niya at ganoon din kay Colmenares kasi nga may schizophrenia siya na namana niya sa nanay niyang si Olivia (Eula Valdez).

Mahusay magkunwari ang mga taong may ganitong sakit kaya hindi mo talaga sila pagdududahan.

Kaya pagkatapos magsalita sa entablado, hinabol namin si Nash at tinanong kung ang character nga ba niya ang pumatay kay Colmenares.

“Bakit ninyo po natanong?  Dahil sa suot na sapatos?  Pareho kami?  Abangan ninyo na lang po,” paiwas na sagot ng aktor.

Si Calvin din ba ang pumatay sa tatay nitong si Victor Buenavidez?

“Nag-iiba po ang nangyayari, puwedeng ako, puwedeng sila, basta araw-araw po nababago ang kuwento,” palusot ulit ni Nash.

Pero nababanggit nga sa usapan ng mga sumusubaybay ng The Good Son sa social media na si Calvin ang may kagagawan ng lahat at ang driver na si Dado (Jeric Raval) ay umaalalay lang sa lahat ng ginawa ng itinuturing na anak.

Kaya nadagdagan na naman ang tanong ng netizens, si Dado ba ang tatay ni Calvin?

Anyway, mas madetalye at palaban ang kapatid ni SPOI Colmenares na si SPOI Rommel Comenares (Nico Antonio) na bagong hahawak sa kasong naiwan ng kuya niya.

Palibhasa nag-aral ng law in real life pero hindi na kumuha ng bar exam dahil mas ginustong mag-artista, believable ang interrogation niya kay Calvin kung ano ang napag-usapan nila ng kuya niya bago ito nalagutan ng hininga.

Magagamit ni Nico nang husto ang napag-aralan niya kung paano litisin ang mga maysala kaya lagot kung sinuman ang tunay na pumatay kina Victor at Colmenares.

Samantala, nagmamadaling umalis ng party si Nash dahil may meeting siya sa kliyente na gustong mag-franchise ng Muramen noodle house niya na itatayo sa Dumaguete City. May existing branch na ang aktor sa Loyola Street, Recto, Manila at sa Makati City na parehong malapit sa mga eskuwelahan.

Wish granted naman si Nash sa panalangin niya ngayong Pasko at Bagong Taon dahil lilipad silang mag-iina patungong San Francisco, USA para makapiling ang amang matagal na panahon nang hindi nila nakakasama at ang mga tiyahin at lola.

“Opo, matagal na namin itong plinano kaya nakakatuwa at looking forward po kaming magkapatid at ng mommy ko na makasama ang daddy ko ngayong Christmas at New Year po,” saad ng batang aktor.

Sa mga hindi nakakaalam ay nagdidirek din si Nash sa iWantTV bukod sa pagiging artista, entrepreneur at estudyante.