Masusing isasailalim ng Las Piñas City sa monitoring ang mga batang naturukan ng bakuna kontra dengue sa siyudad, kasabay ng panawagan ni Mayor Imelda Aguilar na manatiling kalmado ang publiko sa harap ng kontrobersiya tungkol sa magiging epekto ng bakuna sa mga tumanggap nito.
Pangangasiwaan ng City Health Office at city school administration, maglulunsad ang lungsod ng sarili nitong database ng mga naturukan ng bakuna, na magiging basehan sa pakikipag-ugnayan ng pamahalaang lungsod sa Department of Health (DoH).
Sinabi ng alkalde na may kabuuang 48,996 na bata sa lungsod ang nabakunahan ng Dengvaxia noong 2016, nang ilunsad ng DoH ang mass vaccination program nito. Sa nasabing bilang, 7,215 bata ang nabakunahan sa mga eskuwelahan, habang 41,781 naman sa mga barangay health center.
“This is to ensure the parents and the community that the city government is doing its best to address the possibility of adverse effects of the dengue vaccine so that proper intervention can be undertaken,” sabi ni Aguilar.
Matatandaang kinumpirma kamakailan ng Sanofi Pasteur, ang manufacturer ng Dengvaxia, na ang bakuna ay para lamang sa mga dati nang dinapuan ng dengue.