ni Dave M. Veridiano, E.E.
KINILABUTAN ako nang marinig kong isang heneral sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pinalawig sa serbisyo ni Pangulong Rodrigo R. Duterte. Bigla kasing naglaro sa aking isipan na sa kasaysayan sa buong mundo, ang unang niligawan ng mga pinunong naging diktador ay ang mga namumuno sa militar sa pamamagitan ng pag-eextend sa serbisyo ng mga ito.
Hindi ko naman sinasabing dito patungo ang administrasyong Duterte dahil alam ko, ramdam ko, at nakikita ko— batay na rin marahil sa karanasan kong magmasid at humusga sa kilos ng nakabungguan kong mga opisyal ng pamahalaan, sa mahigit tatlong dekada kong pagiging mamamahayag – wala namang ambisyong maging diktador ang ating Pangulo…Sa edad niyang iyan, na sinasabi pa ng marami na tila may sakit, sa aking palagay ay mismong siya, sa ganang kanyang sarili ang nagdarasal na sana ay matapos niya ang termino na “with flying colors!”, wika nga.
Ang ipinupunto ko rito ay ang nakikita kong problema sa RETIREMENT ng mga pinuno ng militar, pati na rin sa Philippine National Police (PNP), na masasabi kong disadvantageous sa AFP at sa PNP. Ngunit sa pagkakataong ito, isantabi muna natin ang PNP. Ang liderato muna ng AFP ang ating himayin, tutal may pagkakahawig naman ang problema ng dalawang organisasyon.
Alam ba ninyo na sa nagdaang 30 taon ay nagkaroon na ng 28 chief of staff ang AFP? Lumalabas na sa loob ng mga panahong ito, ang naging bahagdan ng serbisyo ng mga naging CS ay umabot lamang ng pitong buwan.
Maikli ito at disadvantageous sa buong AFP dahil sobrang magastos kahit saang anggulo sipatin. Sa pensiyon pa lamang ng nagretirong pitong 4-star generals sa loob lamang ng apat na taon, agrabiyado na agad ang AFP. Bukod pa rito ang mga gastos sa pagbabago sa loob ng kampo tuwing bago ang CS para kumita ‘yung mga dealer at supplier na magaling mambola kaya ‘di matigil ang kurapsiyon sa AFP.
Ang isa pa rito ay hindi pa natatapos mag-ikot ang CS sa lahat ng kampo sa buong bansa, para makilala siya ng mga sundalo sa “battle front”, ay tapos na agad ang termino niya dahil inabutan na siya ng mandatory retirement na 34 years of service para sa mga nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) o kaya ay 56 na mandatory age retirement ng AFP. Kapag may bagong CS, ganoon uli ang mangyayari, kaya magastos pa kay “Aksyong Aksaya” ang AFP natin.
Ito ang dahilan kaya importante ang panahong itinatagal ng isang CS sa posisyon— ‘di maaaring mahaba at ‘di rin p’wedeng maikli – at ang nakikita kong solusyon dito ay gawing FIXED TERM ang posisyong CS, AFP na base lamang ang pagpili sa MERITORIOUS ACCOMPLISHMENT ng mga kandidatong opisyal ng militar. Siguradong makakatulong pa ito nang malaki upang mawala ang pagiging HIGHLY POLITICIZED ng mga nagiging pinuno ng militar na siyang nagagamit ng isang pangulong gustong maging DIKTADOR!
Ganito ang nangyari sa pagkaka-extend ni General Rey Leonardo Guerrero bilang chief of staff ng AFP. Aabot na sa mandatory retirement si Guerrero sa Disyembre 17 na nitong Oktubre 26 lamang napuwesto kapalit ng nagretirong si Gen. Eduardo Año. Ilang araw pa lamang siya nakumpirma ng Commission on Appointment (CA), kaya kung tutuusin ay napakaikli lamang ng ipagtatrabaho niya bilang pinuno ng AFP – dahilan upang palawigin ng Pangulo ang kanyang pagiging CS, AFP.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]