Mas pinaghuhusayan ng Department of Health (DoH) ang mga programa nito upang mapabilis ang rehabilitasyon ng nawasak na lungsod ng Marawi dahil sa giyera.
Sa news release na inilabas nitong Biyernes, inihayag ng departamento, sa ikapitong linggo ng paglaya ng lungsod mula sa Maute terrorist group, na ipinapapatuloy ng DoH ang pagresponde sa mga suliranin sa kalusugan na kinakaharap ng mga residente sa pamamagitan Tamang Serbisyo Para sa Kalusugan (TSeKap) program, pati na rin ang psychological intervention at wastong nutrisyon para sa kabataan at matatanda.
Inihayag sa bagong datos ng DoH-Health Emergency Management Bureau na mula sa limang buwang bakbakan sa lungsod, 77,955 pamilya o 367,990 katao ang inilikas. May kabuuang 18,801 pamilya o 106,598 indibidwal mula sa 40 barangay sa Marawi ang nakauwi na, habang 2,532 pamilya o 8,574 indibidwal ang naninirahan pa rin sa 76 na evacuation centers.
May kabuuang 86 na kaso ng pagkamatay ang naitala sa mga pasilidad na ito mula noong May 23, na ang karaniwang sanhi ay pneumonia, sepsis, cardiovascular diseases, acute gastroenteritis hanggang prematurity.
Ayon sa DoH, nagbibigay ang Amai Pakpak Medical Center ng Marawi at ang Dr. Abdullah Hospital ng buong araw na serbisyong medikal, na sinusuportahan ng 27 aktibong mga ospital na malapit sa lungsod, 22 barangay health station at mga outpost bukas sa publiko.
Nakapagbigay na ang DoH central at regional offices at mga katuwang na ahensiya ng kabuuang P222.38 milyong halaga ng logistics at funding assistance sa mga ospital at evacuation centers.
Samantala, binisita ni Health Secretary Francisco Duque III ang siyudad ng Iligan at Marawi noong kahapon, Nobyembre 10. - PNA