Ni Fer Taboy

Isang sports instructor at propesor ang namatay at 23 estudyante ng University of Rizal Systems (URS) mula sa Morong, Rizal, na lalahok sana sa isang sports meet ang nasugatan nang malaglag sa isang kanal ang kanilang bus sa Magsaysay, Occidental Mindoro, iniulat ng pulisya kahapon.

Kinilala ni Supt. Imelda Tolentino, spokesperson ng Police Regional Office 4-B, ang isa sa mga napatay na si Elmer Dacillo, 62, sports and recreation director ng pamantasan.

Hindi pa napapangalanan ang propesor ng URS.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ayon sa Magsaysay Municipal Police Station, naaganap ang aksidente 6:30 ng gabi nitong Sabado.

Sasali sana ang mga estudyante sa Southern Tagalog Regional Association State Colleges and Universities Olympics sa bayan ng San Jose, Occidental Mindoro.

Sa Sitio Bunga, Barangay Nicolas, nawalan ng preno ang bus na pag-aari ng Charms Aloha Travel and Tours habang pababa ng matarik na bundok.

Iniwasan ng driver na mabungo ang coaster sa unahan ng bus kaya kinabig niya pakaliwa ang sasakyan na nahulog sa malalim na kanal.

Rumesponde ang mga pulis, Magsaysay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, MMDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at mga sundalo.

Isinugod sa San Jose District Hospital sa bayan ng San Jose ang mga sugatang estudyante.

Kahapon ay nasa pagamutan pa rin ang 15 sa mga biktima, habang nailabas ang walong estudyante ng nagtamo ng minor injuries.

Pinaghahanap ng pulisya ang driver na tumakas pagkatapos ng insidente.