Maagang sinalubong ng halos dalawang oras na matinding trapik ang daan-daang motorista matapos maaksidente ang isang flatbed type truck sa kahabaan ng South Luzon Expressway (SLEX), Alabang Viaduct, Muntinlupa City kahapon.

Sa inisyal na ulat ni Randolf Perez, ng SLEX Command Center, naganap ang aksidente dakong 4:30 ng madaling araw.

Patungo sanang Calamba, Laguna ang naturang truck nang maaksidente at bumalagbag sa Alabang Viaduct dahilan upang maipon at hindi na makausad ang mga sasakyan sa SLEX at umabot ang trapik hanggang sa Nichols sa Pasay City.

Bandang 6:30 ng umaga tuluyang naalis ang truck sa nasabing kalsada at saka lamang nagsimulang dumaloy ang mga sasakyan sa SLEX.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Patuloy na inaalam ng awtoridad kung pagkakamali ng driver o nasira ang makina ng sasakyan na posibleng sanhi ng aksidente.

Base sa report, walang nasugatan sa insidente. - Bella Gamotea