Wala pang ginagawang aksiyon ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa opisyal nito na inirereklamo sa hindi magandang pagbibiro sa ilang miyembro ng media na nagsusulat ng negatibong balita laban sa ahensiya.

Gayunman, sinabi ni Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA, na tiyak na si Chairman Danilo Lim “will look into this matter” kasunod na rin ng pagbibigay ng Malacañang ng pahayag kaugnay ng usapin.

Ayon kay Pialago, hindi pa pinag-uusapan kung papatawan ng parusa si MMDA Assistant General Manager for Planning Jojo Garcia, na nagbiro na “ipapa-Tokhang” niya ang mga miyembro ng media na magsusulat ng negatibo laban sa ahensiya.

“Wala namang gag order, and business as usual for him,” ani Pialago.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nauna rito, pinuna ni Presidential Communication Secretary Martin Andanar ang nasabing biro ni Garcia sa ilang mamamahayag, at kinondena ang aniya’y iresponsableng pahayag at pagbabanta ng opisyal.

“The PCOO (Presidential Communications Operations Office), as co-chairman of the PTFoMS (Presidential Task Force on Media Security), will not tolerate such irresponsible and threatening remarks,” saad sa text message ni Andanar sa media nitong Biyernes.

“Dapat maging aware lahat ng government officials na merong AO01, [the] Presidential Task Force on Media Security, na nagpoprotekta sa mga media men and women,” dagdag pa ni Andanar.

“We respect the statement of Secretary Andanar. Rest assured that our Chairman Danny Lim will look into this matter so we as an agency can prevent this from happening again,” sabi naman ni Pialago.

Una nang inalmahan ni Joel Egco, executive secretary ng PTFoMS, ang ginawa ni Garcia sa isang press conference nitong Miyerkules nang magbiro itong ipababaril o ipato-Tokhang ang magsusulat ng negatibong artikulo.

“Nasaan na ‘yung .45 (caliber pistol) ko, ipa-Tokhang natin ‘yan,” ani Garcia.

Bukod pa rito ang umano’y pambabastos ng opisyal sa magagandang reporter sa mga presscon, na ayon dito ay biro lamang. - Bella Gamotea