Kinumpirma kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi pa nakababalik sa bansa ang ilan sa mga consultant ng National Democratic Front (NDF) na nangibang-bansa para maging bahagi ng negotiating panel sa isinagawang peace talks ng magkabilang panig.
Tumanggi naman ang AFP na sabihin kung ano na ang estado ng isinasagawa nilang monitoring sa 21 NDF consultant, na pinaghahanap sa ngayon, at hindi rin masabi kung ilan sa mga ito ang nasa bansa at ilan ang nasa abroad.
Sinabi ni AFP Public Affairs Office (PAO) chief Marine Col. Edgard Arevalo na wala pa silang masasabi kaugnay ng kasalukuyang lokasyon ng mga consultant, na bagamat pormal nang kanselado ang peace talks ay hindi pa rin lumalantad.
“We are pursuing with our monitoring, we are pursuing with our effort to locate them so that when the process is already being observed then we will be able to execute and implement the arrest,” ani Arevalo.
Nilinaw naman ni Arevalo na wala pa silang natatanggap na go-signal para arestuhin ang mga consultant, kabilang ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon.
Napag-alaman na hiniling na ng Office of the Solicitor General sa korte na kanselahin ang piyansa ng mga NDF consultant.
“Let the solicitor general perform his mandate and his obligation with regard to the legal matters. Sa amin sa AFP, we have the process to look after we have the process to observed,” ani Arevalo.
Samantala, bukas naman ang AFP sa gagawing imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR) sa pagkamatay ng 15 miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Nasugbu, Batangas, kamakailan.
Naniniwala si AFP spokesman Major Gen. Restituto Padilla na lalabas din ang katotohanan na lehitimo ang nasabing operasyon. - Fer Taboy