Nagbabala kahapon si datinb Solicitor General Florin Hilbay na ang pagpapalawig sa batas militar na umiiral sa Mindanao ay labag sa batas.

“It’s unconstitutional to extend martial law in Mindanao long after government had declared victory,” saad ni Hilbay sa kanyang Twitter account.

Oktubre 23 nang ideklara ni Pangulong Duterte ang tagumpay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagtataboy sa mga teroristang Maute-ISIS sa Marawi City, eksaktong limang buwan makaraang tinangka ng mga itong kubkubin ang siyudad.

Ipinaalala ni Hilbay na ang tanging dahilan kaya nagdeklara ng batas militar sa Mindanao ay dahil sa paglusob ng Maute sa siyudad noong Mayo 23.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“The Constitution requires actual invasion/rebellion,” diin ng dating SolGen.

Nagpahayag ng pangamba si Hilbay na ang pagpapalawig pa sa martial law sa Mindanao ay maaaring mauwi sa pagpapairal nito sa buong bansa.

“If we allow martial law extension in Mindanao on fake grounds, we make it easier to declare nationwide martial law on another fake basis,” paliwanag niya.

Kapwa isinusulong ng militar at pulisya ang pagpapalawig muli sa batas militar sa Mindanao, na magtatapos sa Disyembre 31, 2017.

Ito, ayon sa militar, ay upang matiyak ang kaligtasan sa Mindanao laban sa banta ng mga natitirang terorista, armadong grupo, at mga rebeldeng komunista. - Jeffrey G. Damicog