TUMIMBANG si WBO super featherweight champion Vasyl Lomachenko ng Ukraine ng 129 pounds samantalang mas magaang si challenger Guillermo Rigondeaux ng Cuba sa 128.4 pounds sa official weigh-in kaya tuloy na ang kanilang sagupaan ngayon sa Madison Square Garden Theater sa New York sa United States.
Nangako ang 29-anyos na si Lomachenko na maghihintay siya ng pagkakataon para patulugin ang kasalukuyang WBA super bantamweight champion na si Rigondeaux na umakyat ng dalawang dibisyon para hamunin ang Ukrainian.
Inaasahang magiging klasiko at panonoorin ng boxing fans ang sagupaan ng dalawang boksingero na kapwa may tigalawang gintong medalya sa Olympics bagamat lamang si Lomachenko na may kartadang 9-1-0 win-loss-draw na may 7 panalo sa knockouts kumpara sa mas beteranong si Rigondeaux, 37-anyos, na may perpektong rekord na 17 panalo, 11 sa knockouts.
“Lomachenko and Rigondeaux won two Olympic gold medals each and their match marked the first time in boxing history that such bemedalled athletes will meet inside the squared circle,” ayon sa ulat ng Philboxing.com.
“Both are slick and highly technical with very high boxing IQ although Rigondeaux is more defensive and throw fewer but highly precise punches while Lomachenko is known for his wide variety of offensive repertoire and and throws endless amount of punches from all angles,” dagdag sa ulat.
Naging kampeong pandaigdig si Rigondeaux sa kanyang ikapitong laban at tumanyag nang talunin ang dating Fighter of the Year na si Nonito Donaire Jr. noong Abril 13, 2013 sa New York para matamo ang WBO super bantamweight title ng Pilipino.
Naging WBO featherweight titlist si Lomachenko sa kanyang ikatlong laban nang talunin ang Amerikanong si Gary Russel Jr. noong 2014 bago umakyat ng timbang at nasungkit ang WBO junior lightweight crown nang patulugin si Roman Martinez ng Puerto Rico noong 2016. - Gilbert Espeña