NAPIPISIL bilang mga paborito para sa titulo ang reigning NCAA champion La Salle-Greenhills, ang runner-up Mapua at National University para sa 6th Philippine Secondary Schools Basketball Championship (PSSBC) Dickies Underwear Cup na magsisimula sa Disyembrey 16 sa SGS Stadium sa Quezon City.
Nagwagi ng una nilang titulo sa NCAA matapos gapiin ang Red Robins sa finals, isasabak ng Greenies ang parehas na core na nagkampeon sa pinakamatandang collegiate league ng bansa na pinangungunahan nina Joel Cagulangan at Inand Fornillos.
Ngunit, ibinaba ni La Salle-Greenhills assistant coach Vince Fran ang kanilang tsansa.”We’re expecting a wide-open race since most of the teams in the hunt are very competitive. I think all teams have equal chance at the coveted crown.”
Bagama’t nabigong maidepensa ang kanilang titulo sa NCAA, isa pa rin sa mga paborito ang Mapua sa pamumuno nina reigning NCAA MVP Will Gozum, Clint Escamis at Warren Bonifacio, gayundin ang NU Bullpups, na ginagabayan ngayon ng beteranong coach na si Goldwyn Monteverde.
Inaasahan namang magiging mahigpit din nilang katunggali ang inaugural champion Hope Christian High School , dating titlists San Beda at Chiang Kai Shek High School sa 6-day, 12-team tournament na suportado ng Davies Paints, Choi Garden at Molten.
Kalahok din sa torneo ang defending UAAP titleholder Far Eastern University-Diliman, University of Santo Tomas, University of the Philippines, Letran, Manila Patriotic School at reigning CESAFI titlist University of Visayas.
Ang 12 teams ay hahatiin sa apat na grupo kung saan ang top two teams matapos ang single round robin ay uusad sa knockout quarterfinals. Ang magwawagi rito ay magtutuos sa dalawang pares ng do-or-die games kung saan ang mananalo ay magtutuos sa winner-take-all showdown kung saan ang magkakampeon ay tatanggap ng P50,000 at tropeo habang ang runner -up ay magkakamit ng P30,000 at P20,000 naman para sa third placer. - Marivic Awitan