HALOS hindi na napansin dahil natabunan ng maraming balita na pawang nakikipag-agawan sa atensiyon ng publiko. Subalit sa maraming anggulo, ang personal na paghahatid noong nakaraang linggo ni Pangulong Duterte sa mga tripulanteng Vietnamese na pauwi mula sa pinigil na bangkang pangisda ang mga klase ng istorya na nagbubunsod ng pag-asa at kabutihan ng puso, sa panahong halos lahat ng balita ay negatibo at nakapanlulumo.
Naglaan ng panahon ang Pangulo upang personal na maihatid ang mga tripulante ng isang bangkang pangisda mula sa Vietnam na napadpad sa karagatan ng Pilipinas noong Setyembre. Dalawa sa mga mangingisda ang napatay sa kumprontasyon sa Philippine Navy sa karagatan ng Bolinao, Pangasinan. Makalipas ang isang buwang imbestigasyon, inirekomenda ng mga tagapagsiyasat ng gobyerno na litisin ang mga tauhan ng Philippine Navy sa pagkamatay ng mga mangingisdang Vietnamese. Subalit inihayag ng gobyernong Vietnamese na hindi ito maghahain ng kaso.
“I am sorry for the incident. I hope it never happens again,” sinabi ni Pangulong Duterte sa mga mangingisda at kay Vietnamese Ambassador Ly Quoc Tuan, nang iabot niya sa mga mangingisda ang mga bag ng pagkain sa pag-uwi ng mga ito sa kanilang bayan.
Katatapos lang idaos ang taunang pulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Maynila, bilang ang Pilipinas ang nangangasiwa sa pagtitipon ngayong taon. Ipinamalas nito ang pagkakaisa ng mga pinuno ng rehiyon sa mga lider ng Amerika, China, Australia, at iba pang mga bansa sa serye ng magkakaugnay na pulong.
Mayroong mga punto ng hindi pagkakasundo sa ilang bansang ASEAN—ang Pilipinas, Vietnam, at Malaysia ay pawang may inaangking teritoryo sa ilang isla sa South China Sea, at nagkakaisa naman sa paninindigan laban sa pag-angkin ng China sa halos buong karagatan. Subalit dahil ang ASEAN ay isang matatag na samahan ng mga bansa, walang naging pagkondena o alitan sa usapin, gaya ng nangyayari sa ilang bansa sa iba pang bahagi ng mundo.
Alinsunod sa diwa ng pagkakaisa at pakikisama ng ASEAN ang pagsisiyasat ng Pilipinas sa pagkamatay ng mga tripulanteng Vietnamese na napadpad sa karagatan ng Pilipinas. At mismong si Pangulong Duterte ang naghatid sa kanila, personal silang inabutan ng mga bag ng pagkain sa pag-uwi nila sa Vietnam.
Sinabi ng Vietnamese ambassador kay Pangulong Duterte na ang kasalukuyang panahon ay espesyal para sa mga Vietnamese at makakauwi na ang mga mangingisda sa Enero, na para sa kanila ay panahon ng pagsasama-sama ng pamilya para sa bagong taon. “Your order to send them off will surely bring happiness to their families,” sinabi niya sa Pangulo. “They will forever cherish the good treatment that the Philippines had shown them.”
Isa rin itong espesyal na panahon para sa mga Pilipino. Panahon din ito ng mga reunion ng mga pamilya dahil buhay na buhay tuwing Pasko ang diwa ng kapayapaan at kabutihang loob. Patuloy nating nababasa ang tungkol sa panganib ng bakuna kontra dengue, ang mga paglilitis para sa impeachment, ang pakikipagbakbakan sa New People’s Army sa kabundukan ng Mindanao. Subalit inaasahan natin ang mas marami pang balita tungkol sa kapayapaan at katapatan ng kalooban, gaya ng ipinamalas ni Pangulong Duterte sa mga Vietnamese sa Pangasinan.